Tuesday, July 16, 2013

LGU-Sorsogon kabilang sa listahan ng Seal of Disaster Preparedness ng DILG


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 16 (PIA) – Isa ang lalawigan ng Sorsogon sa mga nasa listahan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na nakapasa sa 1st level assessment para sa “Seal of Disaster Preparedness”.

Ito ang inihayag ni Public Information Officer Von Andre Labalan ng Provincial LGU base sa inilathala ng Regional Development Council sa Bicol Development Updates Volume III Number 2 nitong Hunyo 2013.

Aniya, layunin ng pagbibigay ng DILG ng Seal of Disaster Preparedness sa mga Local Government Unit (LGU) ay upang mas mahikayat ang mga ito na bigyang prayoridad ang kahandaan at pagtugon sa mga panahong may kalamidad.

Matatandaang tinututukan ngayon ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagbibigay ng kaukulang insentibo para sa mga lokal na yunit ng pamahalaan na may magagandang programa at pagpapatupad ng Disaster Preparedness.

Nahahati sa dalawang bahagi ang pagtatasa bago tuluyang igawad ang Seal of Disaster Preparedness sa isang LGU.

Para sa unang bahagi ng assessment, tatasain ang LGU ayon sa kahandaan nito sa kalamidad at dapat na malinaw ang mga sumusunod: leadership structure kung saan dapat na may organisadong Disaster Risk Reduction and Management Office ito; guide to action o may ginawang risk assessment and mapping, institutionalized planning and budgeting; at disaster preparedness na kinapapalooban ng contingency planning, early warning and evacuation alert system, preemptive evacuation, stockpiling and equipping, technical competency at community awareness.

Ayon kay Department Head Engr. Raden Dimaano ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (SPDRRMO), ang lahat ng nabanggit na istandard ay pawang nagawa ng kanilang tanggapan na kinumpirma naman ng DILG-Sorsogon kung kaya’t nakapasa sila para sa 2nd level assessment ng Seal of Disaster Preparedness.

Sa pangalawang bahagi, tatasain naman ang LGU alinsunod sa mga sumusunod na criteria: search and rescue na kinapapalooban ng trained personnel, response time, equipage, at zero-casualty; at evacuation center management kung saan dapat na mayroon ito ng maayos na patutuluyan sa mga evacuees, may kuryente, sapat na suplay ng pagkain at tubig, maayos na health and sanitation, counseling, at trained center management personnel.

Ayon naman sa ulat ng DILG, matapos na pumasa ang LGU-Sorsogon sa first level assessment, kukumpirmahin ito ng DILG Central Office at ito rin ang pipili ng LGU na makakasama sa pinal na listahan ng mga makakapasa.

Ang LGU na papasa sa level II assessment ang gagawaran ng Seal of Disaster Preparedness at makakatanggap din ito ng disaster management fund o insentibo.

Ang lalawigan ng Sorsogon ang isa sa ilang mga lalawigan sa bansa na konsideradong multiple-hazard area o lugar na may mataas na kalantaran sa iba’t-ibang uri ng kalamidad tulad ng bagyo, baha, tsunami, pagsabog ng bulkan, pag-agos ng lahar, pagguho ng lupa at iba pa.

Matatandaan ding noong Hunyo 2012, isa ang lalawigan ng Sorsogon sa 79 na LGU na nagawaran ng Seal of Good Housekeeping (Bronze Level) ng DILG. (BARecebido, PIA Sorsogon/PIO)

No comments:

Post a Comment