Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 17 (PIA) –
Taliwas sa ordinaryong kaalaman ng publiko na pag-apula lamang ng apoy o sunog
ang ginagawa ng Bureau of Fire Protection (BFP), ipinaliwanang ni SInsp Walter
B. Marcial ng BFP Sorsogon City Central Fire Station na may kaukulan din silang
kasanayan sa larangan ng pagsalba ng buhay o rescue sa panahong may sakuna at
aksidente.
Aniya, sinanay din sila sa pag-pakalma ng
mga may bali sa alinmang bahagi ng katawan at nakahanda umano silang rumisponde
sakaling may pangangailangan kabilang na kung may mga aksidente sa kalsada.
Aminado man ang opisyal na may kakulangan sila
pagdating sa ilang kagamitang pang-rescue lalo na kung may baha, tiniyak naman
nito na lahat ng mga tauhan ng BFP ay may kaalaman at kasanayan pagdating sa
pagliligtas ng buhay at ari-arian.
Bukas din si SInsp Marcial sa ideyang
iturn-over sa kanila ang ambulansya ng Local Government Unit (LGU) sa mga araw
na walang pasok o holiday at bigyan ng karapatang gamitin ito sa panahong may
emerhensya o sakaling kailanganin ito.
Samantala, muling nanawagan ito sa publiko
na mag-ingat lalo na sa sunog sapagkat wala itong pinipiling panahon kahit pa
tag-ulan na ngayon.
Sa tala ng BFP Sorsogon City, dalawang
insidente ng sunog ang nairehistro nila noong 2012 habang umabot naman sa lima
ang naitala nilang sunog mula Enero hanggang kalagitnaan ng Hunyo ngayong 2013.
Maliban sa pinakahuling sunog na naitala
ngayong Hunyo, maliliit lamang aniya ang iba pang insidente ng sunog na naitala
sa lungsod at minimal lamang ang naging danyos na dala nito, subalit hindi pa
rin ito dapat na ipagsawalang-bahala sapagkat sunog pa rin ang kategorya nito
at mahirap nang maibalik ang anumang nawala dahilan sa ganitong uri ng
kalamidad. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment