Ni: FB Tumalad, Jr.
LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 12 (PIA) –
Nakatakdang simulan ng mga kasapi ng Bureau of Fire Protection (BFP) Central
Fire Station ang pagsasanay sa mga paaralan, tanggapan at iba pang istablisimyento
sa Lungsod ng Sorsogon ngayong araw.
Ayon kay BFP Sorsogon City Fire Marshal
SInsp Walter Marcial, regular na ipinagdiriwang
sa buong bansa ang National Disaster Consciousness Month taon-taon bilang
paghahanda sakaling magkaroon ng mga sakuna at kalamidad tulad ng lindol, sunog
at iba pa.
Isa umano sa layunin ng National
Disaster Consciousness Month ay pukawin ang kamalayan ng mamamayan upang
higit pang pag-ibayuhin ang pag-iingat lalo pa’t lantad sa iba’t-ibang uri ng panganib
ang lalawigan ng Sorsogon.
Kanina ay pinangunahan ni SInsp Marcial ang
unang bugso ng kanilang aktibidad dito sa lungsod kung saan nagsagawa sila ng Fire
at Earthquake Drill sa VIP Learning Center kalahok ang mga mag-aaral, mga
guro at mga opisyal ng naturang paaralan.
Sa Hulyo 17, 2013 ay muli itong magsasagawa
ng Fire Prevention Seminar (FPS) at Basic First Aid Training (BFAT) sa paaralan
ng Aemilianum College, Inc. (ACI) na pangungunahan ng operations personnel ng
Emergency Medical Service (EMS) ng City BFP.
Bibisatahin din ng mga ito ang City Hall
upang magsagawa rin doon ng Fire Prevention Seminar at Basic First Aid Training
sa mga empleyado. Magbibigay din ang mga ito ng lecture sa mga lumahok sa
isinagawang pagsasanay sa City Hall hinggil sa tamang pangangalaga ng mga
masasaktan at ipapakita rin sa senaryo kung paano ang pagbuhat ng mga nasaktan,
pagbenda ng nabalian at first aid para sa mga nasugatan.
Sa Hulyo 19, 2013 ay muling babalik ang EMS
team sa ACI upang magsagawa naman ng Fire at Earthquake Drill.
Sinabi pa ni SInsp Marcial na maaring
mabawasan ang malaking danyos sa buhay kapag maagap ang bawat kasapi ng
komunidad at mabilis magresponde sa mga hindi inaasahang kalamidad. (BAR/FBTumalad,
PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment