Ni:FB Tumalad, Jr.
LUNGSOD NG SORSOGON,Hulyo 12(PIA) – Pangalawang
linggo pa lamang ng Hulyo ay agad nang nagpakita ng katapatan si Sorsogon City
Mayor Sally Lee sa mga pangakong binitawan sa mamamayan ng Sorsogon City.
Matapos palitan ng bagong hepe ng
Sorsogon City Policee na si City Pol. Supt. Arne Oliquiano and dating hepe ng
lungsod na si PSupt. Edgardo Ardales nito lamang linggo ay nagbigay agad
ng direktiba dito si Mayor Lee at sa mga kapulisang sakop nito tuldukan at
tuluyang sugpuin ang mga iligal na aktibidad sa lungsod ng Sorsogon.
Hinamon ni Mayor Lee ang buong puwersa ng
City PNP na maging mapagmatyag at panatilihin ang propesyunalismo sa kanilang
mga tungkulin bilang tagabantay ng kaayusan at tagapagpanatili ng kaligtasan ng
sambayan.
Inatasan din ni Mayor Lee ang mga ito na
isulong ang kanyang kampanya at huwag papayagang maghari ang masamang bisyo sa
lungsod. Hiling niya na mapanatili ang mababang insidente ng kriminalidad na
may kaugnayan sa iligal na aktibidad.
Sinabi pa ng alkalde na nakahanda itong ibigay
ang lahat ng suportang kakailanganin ng PNP upang makamit ang isinusulong na
paninindigan ng kanyang administrasyon.
Ipinaalam din ni Lee sa publiko na ang
kanyang Character First Program ay isa sa mga susi upang maibalik ang tiwala ng
mga residenteng Sorsoganon at naniniwala siyang malaki ang gagampanang
tungkulin dito ng mga kapulisan.
Makakaasa din umano ang mga Sorsoganon na
makakamit ng mga ito ang hinahangad na 24/7 na serbisyo publiko. (BAR/FBTumalad,
PIA Sorsogon)
.
No comments:
Post a Comment