Sta. Magdalena Mayor Dong Gamos at PENRO-LGU Head Engr. Beth Fruto (may hawak ng plake) |
LUNGSOD NG
SORSOGON, Hulyo 11 (PIA) –Muling napatunayan ng mga Sorsoganon ang kakayahan at galing nito sa pangangalaga ng kalikasan matapos na humakot ng pinakamaraming parangal at pagkilala sa ginanap na 13th Saringgaya Awards kaugnay ng naging pagtatapos ng pagdiriwang ng Environment Month, Hunyo nitong taon.
Sa ginanap na Culminating Activity, pumangalawa sa Battle of the Eagles si Denzel Gabriel D. Manuel ng Casiguran Central School kung saan nakatanggap ito ng tropeo, sertipiko ng pagkilala at P3,500.00 cash. Ang coach nito na si Ginoong Romulo De Jesus ay nakatanggap din ng sertipiko ng pagkilala at P2,000.00 cash.
Espesyal na pagkilala naman ang iginawad sa
Provincial Environment and Natural Resources-LGU sa ilalim ng pamumuno ni
Engr. Maribeth L. Fruto dahilan sa pangunguna nito na maitatag ang Integrated
Coastal Management Council (ICM).
Nakuha din ng LGU-Sta Magdalena ang
Saringgaya Awards LGU-Category. Ang LGU-Sta Magdalena sa pamumuno ni Mayor
Alejandro Gamos ang nagpasimuno sa co-mangement ng micro watershed,
pagpaprayoridad sa pagpapatupad ng Solid Waste Management (SWM) at Integrated Coastal
Management.
Sa Academe Category – Elementary
Division, ang Bolos Elementary School sa Irosin, Sorsogon ang nakakuha ng Saringgaya
Awards dahilan sa matagumpay na pagpapatupad ng National Greening Program (NGP) sa
paaralan sa pamamagitan ng Proyektong Munting Gubat at Gulayan sa Paaralan at
ang maayos na pagpapatupad ng Solid Waste Management sa kanilang paaralan.
Ang Magallanes Vocational Technical High
School ng Magallanes, Sorsogon ang Saringgaya Awardee sa Academe Category – High
School Division dahilan sa kanilang pagsisikap na maipatupad ang Mangrove,
Upland Reforestation at Solid Waste Management.
Habang sa ilalim ng Industry Category,
kinilala naman ang Energy Development Corporation (EDC) dahilan sa mahalagang
kontribusyon nito sa pagpapaunlad ng industriya sa mga komunidad. Ang pagkilala
sa EDC bilang isa sa mga pangunahing destinasyon sa lalawigan ng Sorsogon ay
isang malaking ambag sa pagsusulong ng magandang ekonomiya sa lugar.
Ang Saringgaya ay terminong Bikolnon na nangangahulugan ng kasaganaan, kayamanan at kaunlaran.
Ayon kay DENR Sorsogon Information Officer
Forester Annabelle Barquilla, ang Saringgaya Awards ang sa tuwina’y hinihintay
na bahagi ng pagdiriwang ng Environment Month sa rehiyon ng Bicol lalo na’t nakasanayan
na ang pagbibigay ng parangal at pagkilala sa mga indibidwal, grupo, Lokal na
Yunit ng Pamahalaan, industriya at mga paaralan na may natatanging serbisyo at
pagpapahalaga sa kalikasan. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment