Wednesday, July 10, 2013

Sorsogon nakakuha ng pinakamaraming parangal sa 13th Saringgaya Awards


Sta. Magdalena Mayor Dong Gamos at PENRO-LGU Head Engr. Beth Fruto (may hawak ng plake)
 Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 11 (PIA) –Muling napatunayan ng mga Sorsoganon ang kakayahan at galing nito sa pangangalaga ng kalikasan matapos na humakot ng pinakamaraming parangal at pagkilala sa ginanap na 13th Saringgaya Awards kaugnay ng naging pagtatapos ng pagdiriwang ng Environment Month, Hunyo nitong taon.

Sa ginanap na Culminating Activity, pumangalawa sa Battle of the Eagles si Denzel Gabriel D. Manuel ng Casiguran Central School kung saan nakatanggap ito ng tropeo, sertipiko ng pagkilala at P3,500.00 cash. Ang coach nito na si Ginoong Romulo De Jesus ay nakatanggap din ng sertipiko ng pagkilala at P2,000.00 cash.

Espesyal na pagkilala naman ang iginawad sa Provincial Environment and Natural Resources-LGU sa ilalim ng pamumuno ni Engr. Maribeth L. Fruto dahilan sa pangunguna nito na maitatag ang Integrated Coastal Management Council (ICM).

Nakuha din ng LGU-Sta Magdalena ang Saringgaya Awards LGU-Category. Ang LGU-Sta Magdalena sa pamumuno ni Mayor Alejandro Gamos ang nagpasimuno sa co-mangement ng micro watershed, pagpaprayoridad sa pagpapatupad ng Solid Waste Management (SWM) at Integrated Coastal Management.

Sa Academe Category – Elementary Division, ang Bolos Elementary School sa Irosin, Sorsogon ang nakakuha ng Saringgaya Awards dahilan sa matagumpay na pagpapatupad ng National Greening Program (NGP) sa paaralan sa pamamagitan ng Proyektong Munting Gubat at Gulayan sa Paaralan at ang maayos na pagpapatupad ng Solid Waste Management sa kanilang paaralan.

Ang Magallanes Vocational Technical High School ng Magallanes, Sorsogon ang Saringgaya Awardee sa Academe Category – High School Division dahilan sa kanilang pagsisikap na maipatupad ang Mangrove, Upland Reforestation at Solid Waste Management.

Habang sa ilalim ng Industry Category, kinilala naman ang Energy Development Corporation (EDC) dahilan sa mahalagang kontribusyon nito sa pagpapaunlad ng industriya sa mga komunidad. Ang pagkilala sa EDC bilang isa sa mga pangunahing destinasyon sa lalawigan ng Sorsogon ay isang malaking ambag sa pagsusulong ng magandang ekonomiya sa lugar.

Ang Saringgaya ay terminong Bikolnon na nangangahulugan ng kasaganaan, kayamanan at kaunlaran.

Ayon kay DENR Sorsogon Information Officer Forester Annabelle Barquilla, ang Saringgaya Awards ang sa tuwina’y hinihintay na bahagi ng pagdiriwang ng Environment Month sa rehiyon ng Bicol lalo na’t nakasanayan na ang pagbibigay ng parangal at pagkilala sa mga indibidwal, grupo, Lokal na Yunit ng Pamahalaan, industriya at mga paaralan na may natatanging serbisyo at pagpapahalaga sa kalikasan. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: