Ni:
Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG
SORSOGON, Agosto 20 (PIA) – Labis na ikinatuwa ng mga mangingisda sa Brgy Diamante, Prieto
Diaz, Sorsogon ang isinagawang inagurasyon at turn-over ceremony kamakailan ng
20 bilang ng “Casko” o bangkang pangisda sa mga kasapi ng Samahan ng Maliliit
na Mangingisda sa Diamante (SAMAMADIA)
May mga angkla at lubid din silang
natanggap kasama ng 20 mga “Casco”.
Ayon sa ilang miyembro ng samahan, matagal
na panahon din nilang hinintay ang pagkakataong ito na magkaroon ng sariling bangka,
kung kaya’t lubos ang kanilang pasasalamat sa ibinigay na pagkakataong ito.
Naging bahagi ng ginawang aktibidad na may
temang “Proyektong Inaasam, Aming Nakamtan” ang pagbigay ng pagkilala sa mga kasapi
at mga indibidwal na nasa likod ng matagumpay at matatag nilang samahan, ang
SAMAMADIA.
Inihayag naman ni Pto. Diaz Mayor Benito
Doma ang labis niyang kasiyahan sa oportunidad na ibinigay na ito sa mga kasapi
ng SAMAMADIA na naisakatuparan sa pagtutulungan ng KALAHI-CIDDS ng Deparment of
Social Welfare and Development (DSWD), LGU-Prieto Diaz, mga opisyal ng barangay
at residente ng Bgy. Diamante.
Hinimok din ni Mayor Doma ang mga
mangingisda na gamitin ang anumang biyayang natatanggap sa tamang paraan at
gawing daan ito sa pagkamit sa kanilang mga pangarap.
Naging panauhing pandangal naman si
Sorsogon Provincial Administrator Robert Lee Rodrigueza sa nasabing okasyon. Sa
mensahe ni Administrator Rodrigueza, sinabi nitong marapat lamang na ingatan ng
makakatanggap ng mga “Casco” dahil ito umano ang magsisilbing katulong nila sa
pang-araw-araw na paghahanap-buhay.
Dagdag pa ni Administrator Rodrigueza, na
hindi rin magsasawa ang pamahalaang probinsyal ng Sorsogon sa pamumuno ni Gov.
Raul R. Lee, na magbigay ng tulong sa mga residente ng Pto. Diaz lalo na kung
para sa ikakabuti ng mga ito.
Dumalo din sa okasyon ang kinatawan ng DSWD
Regional Office V na si Engr. Armand Michael Timplada na nagbigay din ng
mensahe sa SAMAMADIA na ingatan ang mga gamit pangisdang matatanggap at nangakong
may mga darating pang karagdagang “Casco” para sa iba pang mga kasapi ng
samahan. (BARecebido, PIA Sorsogon/LJimenez)
No comments:
Post a Comment