Tuesday, August 20, 2013

Itinayong Seed Production Area ng DENR ERDS mahigpit na binabantayan


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 20 (PIA) – Mahigpit na binabantayan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Bicol sa pamamagitan ng Ecosystem Research and Development Service (ERDS) ang kalagayan ng mga bagong tayong Seed Production Areas (SPA) sa Kabikolan.

Ang Seed Production Areas ang nagsisilbing lugar patubuan ng mga primera klaseng uri ng binhi ng matatas na uri ng punong kahoy.

Ayon kay Bicol Regional Executive Director Gilbert Gonzales, sa pakikipagtulungan ng Ecosystem Research and Development Bureau (ERDB), isinasagawa ng mga tauhan ng ERDS ang mahigpit na pagbabantay upang malaman kung ano na ang nangyari sa mga SPA makalipas ang dalawang linggo matapos na maitayo ito.

Layunin umano ng hakbang na ito na lubos na mabantayan ang prosesong ginagawa sa SPA pati na rin ang mga tinatawag na plus trees o pangunahing uri ng puno ng kahoy na siya ring pagkukunan ng pangunahing uri ng binhi sa mga darating na araw.

Ang mahigpit na pagsubaybay ay upang matiyak rin na mataas ang magiging tsansa na mabubuhay ang mga ito.

Apat na mga SPA site sa buong Kabikulan ang kabilang sa sinusubaybayan at binisita na ng mga taga-ERDS kamakailan lamang. Ito ay ang Damacan, sa Bacacay, Albay; Prieto Diaz sa Sorsogon; Olas sa Lagonoy, Camarines Sur; at Dangan Guisican sa Labo, Camarines Norte.

Kasabay sa ginagawang pagbabantay ay ang pagsasadokumento rin ng mga tauhan ng ERDS ng mga plus trees sa apat na SPA site na ito. (BARecebido, PIA Sorsogon/DENR V)

No comments:

Post a Comment