Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 22 (PIA) –
Nakabantay at mahigpit na nakasubaybay ang mga awtoridad sa kalusugan sa
Sorsogon matapos na makapagtala ng kaso ng meningococcemia sa lungsod ng
Sorsogon kahapon.
Kinilala ang biktima na si Nenita Latosa Delfina,
53 taong gulang, may-asawa at residente ng Sitio Baribag, Brgy. Bibincahan,
Sorsogon City.
Ayon sa ina ng biktima, nagkaroon ng rashes
at mataas na lagnat ang kanyang anak kung kaya’t isinugod nila ito sa isang pribadong
ospital sa lungsod at doon na ito binawian ng buhay. Ayon dito, meningococcemia
ang sinabing dahilan ng pagkamatay ng kanyang anak.
Agad namang inalarma ni Provincial
Administrator Robert Rodrigueza si Bibincahan Brgy. Captain Renato Jaylo na
asikasuhin ang bangkay ng biktima at gawin ang nararapat na disposisyon sa
pakikipag-ugnayan na rin sa mga tamang awtoridad.
Kinumpirma din ng pamunuan ng pinagdalhang
punerarya ng bangkay na positibo sa meningococcemia ang biktima ayon na rin
umano sa sinabi ng doktor na sumuri dito at inabisuhan silang huwag nang
embalsamuhin pa kundi agaran nang ilibing ito, kung kaya’t hindi na nila inimbalsamo
pa ito at tiniyak na naiselyo nila ng mabuti ang bangkay ng biktima.
Inirekomenda naman ni Dr. Andrew De castro,
isa sa mga awtoridad sa kalusugan ng Dr. Fernando B. Duran, Sr. Memorial
Hospital o mas kilala bilang Provincial Hospital, sa mga kapamilya ng biktima
na huwag nang dalhin pa sa kanilang tahanan at iburol ang namatay sapagkat
nakatitiyak siyang hindi rin naman mapipigilang usyusuhin ang bangkay, bagkus
ay agaran na itong ipalibing nang sa gayon ay maiwasan ang posibleng pagkahawa
pa ng iba.
Ganito din ang rekomendasyon ni Brgy.
Captain Jaylo at sinabi nitong nawa’y maintindihan ng mga kapamilya at
nagmamahal sa namatay na hindi ordinaryo ang sanhi ng pagkamatay nito kundi
isang nakahahawang sakit kung kaya’t dapat na maisa-alang-alang ang kapakanan
ng nakararami.
Samantala, hindi ito ang unang kaso ng
meningococcemia na naitala sa lalawigan ng Sorsogon. Matatandaang isang apat na
taong bata ang hinihinalaang tinamaan din ng ganitong sakit sa Bulan, Sorsogon noong
Hunyo ngayong taon, habang isang bata din ang sinasabing nabiktima din kahapon
sa bayan ng Sta. Magdalena, Sorsogon.
Ang meningococcemia ay impeksyon sa dugo na
sanhi ng bakteryang Neisseria meningitidis. Isa itong seryosong sakit na madaling
makahawa lalo na sa mga siksikang lugar at mahihina ang resistensya ng mga
residente. Kung maaagapan at malakas ang
resistensya ng may sakit ay maiiwasan ang mga komplikasyon at maaaring hindi
ito mamatay. Nagagamot ang meningococcemia sa pamamagitan ng mga intravenous
antibiotic. Dapat na mabigyan ng antibiotic o prophylaxis ang isang taong
nalantad sa taong may meningococcemia sa loob ng dalawang linggong
pagkakalantad sa may sakit. (BARecebido, PIA-5/Sorsogon)
No comments:
Post a Comment