Thursday, August 22, 2013

Kaso ng Meningococcemia naitala sa Sorsogon City


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 22 (PIA) – Nakabantay at mahigpit na nakasubaybay ang mga awtoridad sa kalusugan sa Sorsogon matapos na makapagtala ng kaso ng meningococcemia sa lungsod ng Sorsogon kahapon.

Kinilala ang biktima na si Nenita Latosa Delfina, 53 taong gulang, may-asawa at residente ng Sitio Baribag, Brgy. Bibincahan, Sorsogon City.

Ayon sa ina ng biktima, nagkaroon ng rashes at mataas na lagnat ang kanyang anak kung kaya’t isinugod nila ito sa isang pribadong ospital sa lungsod at doon na ito binawian ng buhay. Ayon dito, meningococcemia ang sinabing dahilan ng pagkamatay ng kanyang anak.

Agad namang inalarma ni Provincial Administrator Robert Rodrigueza si Bibincahan Brgy. Captain Renato Jaylo na asikasuhin ang bangkay ng biktima at gawin ang nararapat na disposisyon sa pakikipag-ugnayan na rin sa mga tamang awtoridad.

Kinumpirma din ng pamunuan ng pinagdalhang punerarya ng bangkay na positibo sa meningococcemia ang biktima ayon na rin umano sa sinabi ng doktor na sumuri dito at inabisuhan silang huwag nang embalsamuhin pa kundi agaran nang ilibing ito, kung kaya’t hindi na nila inimbalsamo pa ito at tiniyak na naiselyo nila ng mabuti ang bangkay ng biktima.

Inirekomenda naman ni Dr. Andrew De castro, isa sa mga awtoridad sa kalusugan ng Dr. Fernando B. Duran, Sr. Memorial Hospital o mas kilala bilang Provincial Hospital, sa mga kapamilya ng biktima na huwag nang dalhin pa sa kanilang tahanan at iburol ang namatay sapagkat nakatitiyak siyang hindi rin naman mapipigilang usyusuhin ang bangkay, bagkus ay agaran na itong ipalibing nang sa gayon ay maiwasan ang posibleng pagkahawa pa ng iba.

Ganito din ang rekomendasyon ni Brgy. Captain Jaylo at sinabi nitong nawa’y maintindihan ng mga kapamilya at nagmamahal sa namatay na hindi ordinaryo ang sanhi ng pagkamatay nito kundi isang nakahahawang sakit kung kaya’t dapat na maisa-alang-alang ang kapakanan ng nakararami.

Samantala, hindi ito ang unang kaso ng meningococcemia na naitala sa lalawigan ng Sorsogon. Matatandaang isang apat na taong bata ang hinihinalaang tinamaan din ng ganitong sakit sa Bulan, Sorsogon noong Hunyo ngayong taon, habang isang bata din ang sinasabing nabiktima din kahapon sa bayan ng Sta. Magdalena, Sorsogon.

Ang meningococcemia ay impeksyon sa dugo na sanhi ng bakteryang Neisseria meningitidis. Isa itong seryosong sakit na madaling makahawa lalo na sa mga siksikang lugar at mahihina ang resistensya ng mga residente.  Kung maaagapan at malakas ang resistensya ng may sakit ay maiiwasan ang mga komplikasyon at maaaring hindi ito mamatay. Nagagamot ang meningococcemia sa pamamagitan ng mga intravenous antibiotic. Dapat na mabigyan ng antibiotic o prophylaxis ang isang taong nalantad sa taong may meningococcemia sa loob ng dalawang linggong pagkakalantad sa may sakit. (BARecebido, PIA-5/Sorsogon)

No comments: