Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 29 (PIA) – Matapos
na maghayag ang Malakanyang na hihigpitan na nila ang pagbibigay ng pondo sa
mga Non-Government Organizations (NGOs) bunsod ng naging kontrobersyal na isyu
ng pork barrel, naging maigting din ang panawagan ng Integrated Rural
Development Foundation of the Philippines (IRDF) at ilan pang mga NGO sa mga
Civil Society Organizations (CSOs) at People’s Organizations (Pos) sa Sorsogon
na asikasuhin na ang kanilang akreditasyon.
Ayon kay Ma. Libertad M. Dometita, Project
Coordinator on Good Governance Project ng IRDF, isa sa ipinatutupad nila ngayon
sa Sorsogon ay ang Participatory Governance Project kung saan ang pinaka-malaking
bahagi nito ay ang bigyang kapasidad ang iba’t-ibang CSOs lalo na ang mga
People’s Organizations (POs) upang mas maging epektibo at mahusay sa
pakikilahok sa pamahalaan. Ang mga ganitong proyekto ang magsisiguro na
malinis, sapat at legal ang hangarin at gawain ng mga CSOs.
Maging ang iba’-tibang sangay ng pamahalaan
tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of
Agriculture (DA) ay naglahad ng
instensyong paigtingin ang akreditasyon at monitoring sa mga NGOs.
Matatandaang may panawagan ang Department
of Interior and Local Government (DILG) base sa inilabas nitong Memorandum Circular
2013-70 noong Hulyo 24, 2013 na gawin na ang akreditasyon ng mga CSOs at
malagay na sa pwesto ang mga mapipili para sa mga Local Special Bodies.
Base sa nasabing Memorandum Circular,
naatasan ang mga Local Government Unit (LGUs) na tapusin ang prosesyo ng
akreditasyon sa loob ng Agosto at mabuo ang lahat ng Local Special Bodies bago
matapos ang Setyembre.
Ito ay mandato ng Local Government Code
upang mapalakas ang partisipayon ng CSOs sa mga proseso ng pamamahala. Dapat
may representasyon ang mga CSOs na hindi bababa sa 25 porsyento ng Local
Development Council.
Ayon sa IRDF, mas marami ang matitinong
NGOs na dalisay ang gawain upang pagsilbihan ang mahihirap na Pilipino. Hindi
sila dapat na paparusahan dahil sa baluktot na gawain ng iilan at pekeng
NGOs. Hindi ang sektor ng NGOs ang dapat
na higpitan kundi ang proseso ng pagbibigay ng pondo mula man ito sa pork
barrel o sa regular na pondong national o local na pamahalaan. (BARecebido, PIA-5/Sorsogon)
No comments:
Post a Comment