Wednesday, August 28, 2013

Mga CSO at PO dapat na magpa-akredit sa mga LGU



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 29 (PIA) – Matapos na maghayag ang Malakanyang na hihigpitan na nila ang pagbibigay ng pondo sa mga Non-Government Organizations (NGOs) bunsod ng naging kontrobersyal na isyu ng pork barrel, naging maigting din ang panawagan ng Integrated Rural Development Foundation of the Philippines (IRDF) at ilan pang mga NGO sa mga Civil Society Organizations (CSOs) at People’s Organizations (Pos) sa Sorsogon na asikasuhin na ang kanilang akreditasyon.

Ayon kay Ma. Libertad M. Dometita, Project Coordinator on Good Governance Project ng IRDF, isa sa ipinatutupad nila ngayon sa Sorsogon ay ang Participatory Governance Project kung saan ang pinaka-malaking bahagi nito ay ang bigyang kapasidad ang iba’t-ibang CSOs lalo na ang mga People’s Organizations (POs) upang mas maging epektibo at mahusay sa pakikilahok sa pamahalaan. Ang mga ganitong proyekto ang magsisiguro na malinis, sapat at legal ang hangarin at gawain ng mga CSOs.

Maging ang iba’-tibang sangay ng pamahalaan tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Agriculture  (DA) ay naglahad ng instensyong paigtingin ang akreditasyon at monitoring sa mga NGOs.

Matatandaang may panawagan ang Department of Interior and Local Government (DILG) base sa inilabas nitong Memorandum Circular 2013-70 noong Hulyo 24, 2013 na gawin na ang akreditasyon ng mga CSOs at malagay na sa pwesto ang mga mapipili para sa mga Local Special Bodies.

Base sa nasabing Memorandum Circular, naatasan ang mga Local Government Unit (LGUs) na tapusin ang prosesyo ng akreditasyon sa loob ng Agosto at mabuo ang lahat ng Local Special Bodies bago matapos ang Setyembre. 

Ito ay mandato ng Local Government Code upang mapalakas ang partisipayon ng CSOs sa mga proseso ng pamamahala. Dapat may representasyon ang mga CSOs na hindi bababa sa 25 porsyento ng Local Development Council.

Ayon sa IRDF, mas marami ang matitinong NGOs na dalisay ang gawain upang pagsilbihan ang mahihirap na Pilipino. Hindi sila dapat na paparusahan dahil sa baluktot na gawain ng iilan at pekeng NGOs.  Hindi ang sektor ng NGOs ang dapat na higpitan kundi ang proseso ng pagbibigay ng pondo mula man ito sa pork barrel o sa regular na pondong national o local na pamahalaan. (BARecebido, PIA-5/Sorsogon)


No comments: