Tuesday, August 27, 2013

Mga pagbabago sa DAR Sorsogon sanhi ng Rationalization



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 28 (PIA) – Matapos ipalabas nitong Huwebes, Agosto 22, 2013 ng Department of Agrarian Reform (DAR) Central Office ang Partial List of Designation and Assignments of Third Level Officials sa bisa ng Special Order No. 478, napag-alaman nilang marami ang mga naging pagbabago sa kanilang ahensya.

Ito ang ipinaabot ni DAR Sorsogon Public Information Officer Alura A. Jaso kung saan sa ngayon ay patuloy umano ang pagpapatupad ng kanilang ahensya ng Rationalization kung kaya’t may ilang mga posisyong nabago na ang pangalan, tulad ng Provincial Agrarian Reform Officer (PARO) na sa ngayon ay tinatawag na nilang Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO).

Aniya, hindi lamang pangalan ng posisyon ang nabago kundi maging ang mga humahawak ng posisyon sa loob ng ahensya ay nabago rin.

Sa probinsya ng Sorsogon, ang dating hepe sa Operation Division ng DAR na si Ginoong Felix E. Fruto, ay siya na ngayong designadong OIC PARPO II habang ang dating hepe naman sa Support Services Division na si Ginang Lucia S. Vitug, ang siya na ngayong designadong OIC PARPO I.

Sa Provincial Agrarian Reform Adjudication (PARAD) Office, nananatili ang pagiging PARAD Officer ni Atty. Raddy Tolentino. Habang sa DAR Regional Office V naman, si Dir. Luis B. Bueno, Jr. na ang bag-ong designadong OIC Director IV.

Ayon pa kay PIO Jaso, sa mga susunod na araw ay aabangan din ang pag-upo sa pwesto ng bagong Division Chief sa mga nabakanteng pwesto, pati na rin ang pagkakaroon ng bagong posisyon ng iba pang mga manggagawa sa DAR. (BARecebido, PIA-5/Sorsogon)

No comments:

Post a Comment