Thursday, September 5, 2013

Kaso ng pamamaril sa isang retiradong pulis naitala sa Sorsogon City



LUNGSOD NG SORSOGON, Setyembre 5 (PIA) – Ikinalungkot ng mga kasapi ng pulisya sa Sorsogon City ang sinapit ng kakaretiro pa lamang na si PO3 Jungil Dichoso Escalante, 45 taong gulang, may asawa at residente ng Brgy. Pangpang, Sorsogon City.

Ayon kay Sorsogon Police Provincial Office OIC Provincial Director Ramon S. Ranara, agad niyang inalerto ang mga kapulisan hindi lamang sa lungsod ng Sorsogon kundi sa buong lalawigan para sa agarang pagkahuli ng mga suspek at upang maiwasang maulit din ang kahalintulad na insidente.

Sanib pwersa din umano ang Sorsogon City Police Station Intel Operatives, SWAT Team, tauhan ng CPAC2 at MPU sa pagtugis sa mga suspek.

Binaril kahapon ng di nakilalang mga suspek si Escalante sa Ballesteros St. Purok 8, Brgy. Sampaloc, Sorsogon City. Nakasuot ang tatlong mga kalalakihan ng puti at itim na t-shirt at short pants, may edad na humigit kumulang 25 taon, may taas na humigit kumulang 5’4” hanggang 5’5” at may maliit lamang na pangangatawan.

Ayon sa isang saksi, bago ang insidente ay nakita niya ang biktima na may kausap sa kanyang cellphone sa labas ng bahay nito. Bigla na lamang umanong lumapit ang mga suspek na armado ng handgun at agad na binaril ang biktima sa dibdib at ulo na naging sanhi ng agaran nitong pagkamatay.

Ayon pa sa ulat, kinuha pa ng mga suspek ang kalibre 45 baril nito at mismong ang Honda Wave na motorsiklo pa ni Escalante ang ginamit ng mga suspek sa kanilang pagtakas.

Agad namang rumisponde sa pinagyarihan ng krimen ang mga tauhan ng CPAC2 at ang Scene of the Crimes Operatives (SOCO) kung saan naekober nito ang apat na gamit nang lalagyan ng bala ng kalibre 45 baril at dalawang basyo ng bala.

Samantala, inamin naman ng Bagong Hukbong Bayan Celso Minguez Command BHB CMC) ang pamamaril-patay kay Escalante kung saan binibigyan lamang umano nila ng hustisya ang pagkakapatay noon kay Ricardo “Ding” Uy, ang dating chapter president ng Bayan Muna. Sabit din umano si Escalante sa bentahan ng droga sa Sorsogon City.

Sa ipinalabas na press statement ng BHB CMC, sinabi ng tagapagsalita nitong si Ka Samuel Guerrero na nais nilang linawin sa publiko na sila ang responsable sa insidente at maalis ang spekulasyon ng publiko at maiwasang maibintang pa sa ibang tao ang pamamaril. (BARecebido, PIA-5/Sorsogon)

No comments:

Post a Comment