Ni: Bennie A. Recebido
SORSOGON CITY, September 4 (PIA) – Kaugnay
ng nalalapit na halalan sa Barangay ngayong Oktubre, nais ng Department of
Social Welfare and Development (DSWD) na maprotektahan at huwag maabuso ang
karapatan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o mas
kilala bilang 4Ps na makalahok sa isang malaya at tapat na eleksyon.
Ayon kay DSWD Bicol Regional Director Arnel
B. Garcia, masigasig ang kanilang departamento na mabigyang proteksyon ang mga
kasapi ng 4Ps upang makalahok sa isang malaya at tapat na halalan ngayong
Oktubre habang pinoprotektahan din ang integridad ng programa kasama na ang
kaligtasan at soberenya ng mga nagpapatupad ng 4Ps, kung kaya’t pinaiigting
nila ang kampanya ng “Bawal ang Epal Dito” (BAED).
Kaugnay nito, magsasagawa bukas, Setyembre
5, 2013, ng Provincial BAED Orientation cum Dialogue sa mga chapter president
ng Liga ng mga Barangay ang DSWD sa lungsod ng Sorsogon.
Matatandaang una nang inilunsad sa lalawigan
ng Sorsogon ang “Bawal ang Epal Dito” Campaign noong nakaraang Abril ngayong
taon upang walisin ang mga “epal” na ginagamit ang mga programang ipinatutupad
ng pamahalaan partikular ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Ito ay alinsunod na rin sa Memorandum
Circular No. 24 ng DSWD na ipinalabas noong ika-7 ng Enero, 2013 na naglalaman ng
mga patakaran at aktibidad na dapat sundin sa pagpapatupad ng programa sa panahon
ng national at local election.
Umaasa ang DSWD at ang mga tagapagpatupad
ng 4Ps na hindi magagamit ng mga “epal” ang programa para sa mga pansariling
interes ngayong darating na halalan sa barangay.
Nanawagan din Dir. Garcia sa mga
benepisyaryo ng 4Ps na alamin ang kanilang mga karapatan bilang benepisyaryo at
botante, at maging mapagbantay upang hindi rin sila maabuso ng mga “epal”. (BARecebido,
PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment