Tuesday, September 3, 2013

LPCCAC nagsasagawa ng oryentasyon sa mga bagong alkalde sa mga munisipyo



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Styembre 4 (PIA) – Sa patuloy na pagpapaigting pa ng kaalaman sa pagpapatupad ng Batas 7581 o mas kilala bilang Price Act of 1992, nag-iikot ngayon ang Local Price Coordinating and Consumer Affairs Council (LPCCAC) sa mga munisipyo na may bagong halal na alkalde upang bigyang oryentasyon ang mga ito ukol sa nasabing batas.

Ang batas na ito ang nagbibigay proteksyon sa mga kunsumidor sa pamamagitan ng pagmamantini ng sa halaga ng mga pangangailangan at pangunahing bilihin. Ito rin ang nagtatakda ng mga hakbang laban sa hindi makatarungang pagtaas ng halaga ng mga bilihin sa panahong may emerhensya o kalamidad.

Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Sorsogon Provincial Director Leah Pagao, kaugnay ng pagpapaigting pa ng kaalaman ng mga tagapagpatupad sa lokal na pamahalaan ng batas na ito, minabuti ng LPCCAC ng Sorsogon na ikutin ang mga munisipalidad at lungsod na mayroong bagong upong alkalde upang bigyan ng oryentasyon ang mga ito ukol sa mahahalagang puntos na nakapaloob sa Price Act at maipakilala na rin ang mga kasapi ng LPCCAC at kung ano ang papel na ginagampanan nito.

Ang DTI ang siyang tumatayong secretariat ng LPCCAC.

Kabilang sa mga lugar sa lalawigan na may bagong alkalde ay ang munisipyo ng Gubat, Bulan, Bulusan, Magallanes, Donsol, Juban, Prieto Diaz at ang Sorsogon City.

Matatandaang una nang binisita ng grupo ang bayan ng Gubat noong Huwebes, Agosto 29, 2013 kung saan alkalde dito si Hon. Roderick Co. Nakatakda namang bisitahin ng LPCCAC ngayong araw ang bayan ng Bulusan na pinamumunuan ni Mayor Domingo Halum.

Ayon pa kay Director Pagao, nahahati ang pagbisita sa dalawang bahagi, una ay ang pagbibigay oryentasyon sa punong ehekutibo, Sangguniang Bayan Chair on Trade and Industry, at mga tagapagpatupad sa munisipyo, habang sa hapon naman ay ipatutupad ng grupo ang nasabing batas.

Inaasahang matatapos ang pag-iikot sa walong LGU bago matapos ang Nobyembre ngayong taon. (BARecebido, PIA-5/Sorsogon)

No comments:

Post a Comment