Wednesday, September 4, 2013

Kampanyang “Bawal ang Epal Dito” tampok sa Dayalogo ng DSWD at Liga ng mga Barangay




Ni: Bennie A. Recebido


SORSOGON CITY, September 4 (PIA) – Kaugnay ng nalalapit na halalan sa Barangay ngayong Oktubre, nais ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maprotektahan at huwag maabuso ang karapatan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o mas kilala bilang 4Ps na makalahok sa isang malaya at tapat na eleksyon.

Ayon kay DSWD Bicol Regional Director Arnel B. Garcia, masigasig ang kanilang departamento na mabigyang proteksyon ang mga kasapi ng 4Ps upang makalahok sa isang malaya at tapat na halalan ngayong Oktubre habang pinoprotektahan din ang integridad ng programa kasama na ang kaligtasan at soberenya ng mga nagpapatupad ng 4Ps, kung kaya’t pinaiigting nila ang kampanya ng “Bawal ang Epal Dito” (BAED).

Kaugnay nito, magsasagawa bukas, Setyembre 5, 2013, ng Provincial BAED Orientation cum Dialogue sa mga chapter president ng Liga ng mga Barangay ang DSWD sa lungsod ng Sorsogon.

Matatandaang una nang inilunsad sa lalawigan ng Sorsogon ang “Bawal ang Epal Dito” Campaign noong nakaraang Abril ngayong taon upang walisin ang mga “epal” na ginagamit ang mga programang ipinatutupad ng pamahalaan partikular ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Ito ay alinsunod na rin sa Memorandum Circular No. 24 ng DSWD na ipinalabas noong ika-7 ng Enero, 2013 na naglalaman ng mga patakaran at aktibidad na dapat sundin sa pagpapatupad ng programa sa panahon ng national at local election.

Umaasa ang DSWD at ang mga tagapagpatupad ng 4Ps na hindi magagamit ng mga “epal” ang programa para sa mga pansariling interes ngayong darating na halalan sa barangay.

Nanawagan din Dir. Garcia sa mga benepisyaryo ng 4Ps na alamin ang kanilang mga karapatan bilang benepisyaryo at botante, at maging mapagbantay upang hindi rin sila maabuso ng mga “epal”. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: