Tuesday, October 8, 2013

Greenpeace, palakasin ang kampanya kontra ilegal na pangingisda sa Bicol



Ni: Francisco B. Tumalad, Jr.

LUNGSOD NG SORSOGON, Oktobre 7 (PIA)- Patuloy  sa pag-iikot sa karagatan ng Burias at Ticao Pass sa Bikol ang grupo ng Greenpeace, isang internasyunal na organisasyong nangangalaga sa mga karagatan at kalikasan sa pakikipag-ugnayan sa mga ahensyang nasyunal at lokal na opisyal na sumasakop sa naturang lugar upang pag-usapan ang mga batas  pangkaragatan at  mga alituntuning nakapaloob sa ordinansa upang tuluyan nang matigil ang illegal na pangingisda.

Matatandaang ang operasyon ng Greenpeace sa Asya ay nagsimula noong taong 2000, nanguna ito sa matagumpay na kampanya sa rehiyon sa pagbabawal sa importasyon ng mga mapanganib na basura sa ating bansa.

Kabilang sa kampanya ng Greenpeace ay ang pagbabawal sa malawakang pagtotroso, pagpigil sa  paggamit ng mga waste incinerators at coal power plants at pagsusulong sa sustenableng agrikultura .

Aktibo rin ang kampanya ng Greenpeace upang maprotektahan ang mga antigo at matatanda ng kagubatan  at  makalikha ng malinis na kalikasan at ligtas sa kemikal sa hinaharap.

Ayon kay Greenpeace Ocean Campaigner Vince A. Cinches, nakikipag-ugnayan sila sa mga lokal na opisyal upang talakayin ang pagpapalakas ng implementasyon ng Fishery Code sa kani-kanilang mga nasasakupan nang sa gayon ay maparusahan ang mga lumalabag sa batas pangisdaan.

“Magsasagawa din kami ng dalawang buwan na pag-iikot sa Burias at Ticao Pass upang paigtingin pa ang kampanya laban sa illegal na mga aktibidad sa lugar, kasama rin nila dito ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Bantay Dagat,” ayon pa sa kanya.

Suporta din umano ito sa panawagang “All Out War” ni Sorsogon Governor Raul R. Lee laban sa mga gumagamit ng pangulong na nakakasira sa mga yamang dagat partikular ng Sorsogon.

Noong Hulyo 20 ngayong taon ay pinangunahan ng mahigit sa 30 Greenpeace Volunteers ang isinagawang “Lakbay Aral Patungo sa Sustenableng Pangisdaan” sa Donsol, Sorsogon. (FB Tumalad, PIA Sorsogon)

1 comment: