Friday, October 18, 2013

Pagbubukas ng Kasanggayahan Festival 2013 ginanap kahapon

Kasanggayahan Festival 2013 Presscon

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Oktubre 18 (PIA) – Hindi nakahadlang ang naging pag-uulan kahapon upang dagsain ng libong mga manonood ang opisyal na pagbubukas ng Kasanggayahan Festival 2013 kahapon, Oktubre 17.

Sa umaga ay isang press conference ang ginanap na sa kauna-unahang pagkakataon ay dinaluhan ng mga local at national press at photographers. Naroroon din sa press conference ang mga opisyal at kinatawan ng Department of Tourism, Sangguniang Panlalawigan ng Albay at mga kinatawan ni Albay Governor Joey Salceda.

Sa nasabing press conference ay sinagot ni Sorsogon City Mayor Sally A. Lee at Ginoong Melo Naval, ang Tourism at Economic Affairs consultant ng lalawigan ng Sorsogon ang mga katanungan ng media. Umapela din si Mayor Lee sa mga naroroong media na matulungan ang Sorsogon sa promosyon ng re-branding ng Sorsogon bilang tanging lugar na pinagdausan ng unang misa sa Luzon at maipakita sa labas ng Sorsogon ang mga natatanging yaman ng lalawigan.

Re-enactment: First Mass in Luzon
Naging tampok naman sa pagbubukas ang paggunita sa kauna-unahang misa sa Luzon noong 1569 na naging daan ng Kristyanismo sa Kabikulan. Naging atraksyon sa mga manonood ang mga Higantes na sumimbolo sa komunidad ng Sitio Gibalon, Brgy. Siuton, Magallanes, Sorsogon kung saan unang ginanap ang kauna-unahang misa sa Luzon. May mga ipinarada ding Higantes na mga Espanyol at paring prayle. 

Sa pamamagitan ng sayaw ng mga kasapi ng Community Based Theater Group (CBTG) ay naipakita ang kasaysayan at mayamang kultura ng mga Sorsoganon partikular na ang mga taga-Magallanes.

Aasahan naman ngayong araw ang isa na namang major activity ng Kasanggayahan Festival, ang Pantomina sa Tinampo. Lalahukan ito ng daan-daang mga mananayaw mula sa iba’t-ibang mga sektor ng komunidad. Gagawin ang Pantomina sa Tinampo sa kahabaan ng Rizal at Magsaysay St sa lungsod ng Sorsogon.

Sisimulan din ngayong araw ang Tour at Photo Exhibit sa Museo ng Sorsogon at ang kinagiliwang Carabao Ride na iikot sa Capitol Park at sa Kasanggayahan Vilage kug saan makikita ang iba-ibang mga produktong ipinagmamalaki ng Sorsogon.

Tampok din ang Culinaria o Food Festival kung saan ipapakita ng mga kusinero ang kanilang galing sa pagluluto ng mga sangkap na natatangi sa Sorsogon tulad ng pili at baluko.

Alas otso mamayang gabi ay gaganapin naman ang Bida Ka Sorsoganon Street Art Fashion Competition na gagawin sa Rompeolas. Dito ay ipapakita ng mga kalahok sa pamamagitan ng pag-arte ang iba-ibang karakter na bida sa mga kasabihan at kwentong Bikolnon.

Samantala, iniimbitahan naman ang publiko na makiisa at sumabay sa gagawing taunang Pilgrimage to Gibalon sa Brgy Siuton, Magallanes, Sorsogon kung saan doon orihinal na naganap ang Kauna-unahang Misa sa isla ng Luzon. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment