Monday, October 21, 2013

Tatlong mangingisdang inabot ng unos sa dagat ligtas na naisalba



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Oktubre 21 (PIA) – Ligtas na ang tatlong mangingisda mula sa Tinago, Brgy. Viga, Catanduanes na muntik nang mapahamak sa laot sanhi ng nagdaang bagyong Santi.

Ayon sa ibinigay na ulat ni Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction Management Office Chief Engr. Raden Dimaano, Oktubre 9 nitong taon nang pumalaot ang tatlong mangingisda na kinilalang sina Jose Borac, Andy Timuat at Edilberto Arcilla, pawang mga taga-Catanduanes, nang tumaob ang kanilang sinasakyang bangka dahilan sa malalaking alon dala ng bagyong Santi.

Labing-isang araw na nagpalutang-lutang sa karagatan ang tatlong mangingisda na napanatiling buhay ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig mula sa patak ng ulan at pagkain ng hilaw na mga nahuhuli nilang isda bago sila tuluyang maisalba ng mga mangingisdang taga-Gubat, Sorsogon na sina Danilo at Rafael Buenaobra kahapon ng umaga, Oktubre 20, sa karagatan ng Rapu-rapu, Albay kung saan sila madalas mangisda.

Ayon sa mga nakakuhang mangingisda agad nilang dinala ang tatlo sa Gubat District Hospital upang malapatan ng kaukulang medikasyon. Sa kasalukuyan ay ligtas na at nagpapalakas na lamang ang mga ito ayon sa tuminging manggagamot dito.

Samantala, agad namang ipinaabot ni Engr. Dimaano ang impormasyon ukol sa mga nailigtas na mangingisda sa alkalde ng Viga, Provincial DRRMO ng Catanduanes at sa OCD. Nakatakda namang dumating ngayon ang kamag-anak ng mga mangingisdang naisalba. (BARecebido, PIA-5/Sorsogon)

No comments:

Post a Comment