Ni:
Bennie A. Recebido
LUNGSOD
NG SORSOGON, Oktubre 21 (PIA) – Ligtas na ang tatlong mangingisda mula sa
Tinago, Brgy. Viga, Catanduanes na muntik nang mapahamak sa laot sanhi ng
nagdaang bagyong Santi.
Ayon
sa ibinigay na ulat ni Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction Management
Office Chief Engr. Raden Dimaano, Oktubre 9 nitong taon nang pumalaot ang
tatlong mangingisda na kinilalang sina Jose Borac, Andy Timuat at Edilberto
Arcilla, pawang mga taga-Catanduanes, nang tumaob ang kanilang sinasakyang bangka
dahilan sa malalaking alon dala ng bagyong Santi.
Labing-isang
araw na nagpalutang-lutang sa karagatan ang tatlong mangingisda na napanatiling
buhay ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig mula sa patak
ng ulan at pagkain ng hilaw na mga nahuhuli nilang isda bago sila tuluyang
maisalba ng mga mangingisdang taga-Gubat, Sorsogon na sina Danilo at Rafael
Buenaobra kahapon ng umaga, Oktubre 20, sa karagatan ng Rapu-rapu, Albay kung
saan sila madalas mangisda.
Ayon
sa mga nakakuhang mangingisda agad nilang dinala ang tatlo sa Gubat District
Hospital upang malapatan ng kaukulang medikasyon. Sa kasalukuyan ay ligtas na
at nagpapalakas na lamang ang mga ito ayon sa tuminging manggagamot dito.
Samantala,
agad namang ipinaabot ni Engr. Dimaano ang impormasyon ukol sa mga nailigtas na
mangingisda sa alkalde ng Viga, Provincial DRRMO ng Catanduanes at sa OCD.
Nakatakda namang dumating ngayon ang kamag-anak ng mga mangingisdang naisalba.
(BARecebido, PIA-5/Sorsogon)
No comments:
Post a Comment