Monday, October 21, 2013

“Lakbay Buhay Kalusugan” Caravan darating sa Sorsogon


 Lakbay Buhay Kalusugan Bus (Photo:Negros Occidental PID)

Ni:Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Oktubre 21 (PIA) – Bilang bahagi ng pagpapatupad ng administrasyon ng Pangulong Benigno Aquino III ng Kalusugang Pangkalahatan, nakatakdang dumating bukas dito sa Sorsogon ang “Lakbay Buhay Kalusugan” Mobile Caravan kasama ang ilang mga personahe upang magbigay ng serbisyong medikal sa mga mahihirap na Sorsoganon.

Sa koordinasyong ginawa ni Health Education Promotion Officer Vivian Paguio ng Provincial Health Office sa PIA, sinabi nitong gaganapin ang “Lakbay Buhay sa Kalusugan” mobile caravan sa Gymnasium ng bayan ng Casiguran, Sorsogon. Matapos ito ay isang Fiesta Caravan din ang gagawin sa Matnog, Sorsogon.

Bago ang pormal na pagbubukas ng mobile clinic, health exhibit at iba pang mga nakahandang aktibidad, isang press conference ang isasagawa na lalahukan ng mga kasapi ng lokal na tri-media.

Ang Lakbay Buhay Kalusugan (LBK) ay umiikot sa mga lugar sa bansa sa pamamagitan ng isang bus upang magbigay ng mahahalagang mga impormasyong pangkalusugan at pangunahing serbisyong medikal sa mga mahihirap na pamilya.

Kasama sa mga serbisyo nito ay ang mobile consultation at examination clinic, interactive health promotion exhibit at health classes para sa mga buntis at kakapanganak pa lamang, mga magulang at taga-pag-alaga ng mga sanggol at batang hanggang 14 na taong gulang at mga batang mag-asawang wala pang anak.

Nabuo ang LBK sa pamamagitan ng public private partnership sa inisyatiba ng Department of Health National Center for Health-Center for Health Development DOH NCH-CHD) upang mapalaganap ang mga kaalaman at serbisyong pangkalusugan. Layunin din nitong mapataas ang kaalaman ng publiko ukol sa aktibidad pangkalusugan at nutrisyon ng mga buntis at magiging anak nito, kaalaman sa sakit na tuberculosis, at family planning.

Sa rehiyon ng Bikol, napili ang mga lugar ng Libon sa Albay, Naga sa Camarines Sur, Casiguran sa Sorsogon at ang lalawigan ng Masbate sa mga pupuntahan ng “Lakbay Buhay Kalusugan” caravan. (BARecebido, PIA-5/Sorsogon)

No comments: