Sorsogon tri-media in a meeting at PIA Office |
Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 12
(PIA) – Nagkaisa ang ilang kasapi ng tri-media sa Sorsogon upang manawagan sa
may mga mabubuting kalooban sa Sorsogon na makibahagi sa pagtulong sa mga
hinagupit ng bagyong “Yolanda” partikular sa rehiyon ng Visayas.
Sa naging pulong na ginawa sa
tanggapan ng Philippine Information Agency (PIA) Sorsogon kahapon, sinabi ni
Ms. Jing Rey-Henderson, program manager ng DZGN-FM na magandang pagkakataon ito
upang magabayan ang mga Sorsoganon kung saan ito maaaring pumunta sakaling nais
nitong magbigay ng tulong.
Magandang oportunidad din ito umano,
ayon naman kay Ramil Marianito, Station Manager ng Wow-Smile FM Radio upang
maipakita ng mga media sa Sorsogon na maaari pa rin itong magkaisa lalo sa
panahon na may ganitong sakuna.
Batay sa napagkasunduan mananawagan
sa publiko ang lahat ng mga istasyon sa lungsod upang magbahagi ng tulong na
maaari nitong maibigay para sa mga nabiktima ng bagyo at ang tanggapan ng PIA
ang siyang magsisilbing drop-off point ng lahat ng mga malilikom na tulong.
Iaanunsyo din sa radyo ang mga tulong na matatanggap araw-araw at kung sino ang
mga nagbigay nito.
Ang lahat ng malilikom ay ibibigay
naman sa Philippine Red Cross (PRC) Sorsogon-Chapter para sa tamang pagpapaabot
nito sa mga nabiktima.
Ayon kay Ms. Belinda Pelagio ng PRC
Sorsogon Chapter, hinihikayat nila ang mga Sorsoganong nais makabalita ng
kanilang mga kamag-anak, kaibigan at kakilala na nasa mga lugar na lubhang
naapektuhan ng bagyo na samantalahin ang kanilang Disaster Tracing Inquiry
upang malaman ang kalagayan ng mga ito.
Samantala, bukas naman ang
Integrated Rural Development Foundation sa pamamagitan ni Ginang Libby Dometita
para sa mga nais maging volunteer lalo sa pagrerepak ng mga relief goods.
Kinakailangan umanong organisado ang grupo ng mga boluntaryong magrerepak
dahilan sa 4-hour shifting schedule na ipinatutupad kung kaya’t kailangang
magrehistro ito bago sumabak sa trabaho.
Matatandaang naghayag ang Department
of Social Welfare and Development Office (DSWD) Bicol na kailangan nito ng mga
volunteer na tutulong sa pagrerepak ng mga relief goods na nasa Astrodome sa
Albay.
Maging ang Rotary Club of Metro
Sorsogon ay nakikipag-ugnayan na rin sa mga may-ari ng negosyo sa Sorsogon, mga
paaralan, simbahan at bangko na maglalagay sila ng malalaking kahon kung saan
maari din nilang ilagay ang kanilang mga nais ibahaging tulong.
Kabilang sa mga ipinapanawagang
agarang tulong na maaaring ibigay ay mga inuming tubig, pagkain, kandila,
posporo o lighter, mga gamot, tsinelas, banig, kumot at damit. (BARecebido,
PIA-5/Sorsogon)
No comments:
Post a Comment