Tuesday, November 12, 2013

Tri-media sa Sorsogon nagkakaisa para sa pagtulong sa mga nabiktima ng bagyong “Yolanda”


Sorsogon tri-media in a meeting at PIA Office
Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 12 (PIA) – Nagkaisa ang ilang kasapi ng tri-media sa Sorsogon upang manawagan sa may mga mabubuting kalooban sa Sorsogon na makibahagi sa pagtulong sa mga hinagupit ng bagyong “Yolanda” partikular sa rehiyon ng Visayas.

Sa naging pulong na ginawa sa tanggapan ng Philippine Information Agency (PIA) Sorsogon kahapon, sinabi ni Ms. Jing Rey-Henderson, program manager ng DZGN-FM na magandang pagkakataon ito upang magabayan ang mga Sorsoganon kung saan ito maaaring pumunta sakaling nais nitong magbigay ng tulong.

Magandang oportunidad din ito umano, ayon naman kay Ramil Marianito, Station Manager ng Wow-Smile FM Radio upang maipakita ng mga media sa Sorsogon na maaari pa rin itong magkaisa lalo sa panahon na may ganitong sakuna.

Batay sa napagkasunduan mananawagan sa publiko ang lahat ng mga istasyon sa lungsod upang magbahagi ng tulong na maaari nitong maibigay para sa mga nabiktima ng bagyo at ang tanggapan ng PIA ang siyang magsisilbing drop-off point ng lahat ng mga malilikom na tulong. Iaanunsyo din sa radyo ang mga tulong na matatanggap araw-araw at kung sino ang mga nagbigay nito.

Ang lahat ng malilikom ay ibibigay naman sa Philippine Red Cross (PRC) Sorsogon-Chapter para sa tamang pagpapaabot nito sa mga nabiktima.

Ayon kay Ms. Belinda Pelagio ng PRC Sorsogon Chapter, hinihikayat nila ang mga Sorsoganong nais makabalita ng kanilang mga kamag-anak, kaibigan at kakilala na nasa mga lugar na lubhang naapektuhan ng bagyo na samantalahin ang kanilang Disaster Tracing Inquiry upang malaman ang kalagayan ng mga ito.

Samantala, bukas naman ang Integrated Rural Development Foundation sa pamamagitan ni Ginang Libby Dometita para sa mga nais maging volunteer lalo sa pagrerepak ng mga relief goods. Kinakailangan umanong organisado ang grupo ng mga boluntaryong magrerepak dahilan sa 4-hour shifting schedule na ipinatutupad kung kaya’t kailangang magrehistro ito bago sumabak sa trabaho.

Matatandaang naghayag ang Department of Social Welfare and Development Office (DSWD) Bicol na kailangan nito ng mga volunteer na tutulong sa pagrerepak ng mga relief goods na nasa Astrodome sa Albay.

Maging ang Rotary Club of Metro Sorsogon ay nakikipag-ugnayan na rin sa mga may-ari ng negosyo sa Sorsogon, mga paaralan, simbahan at bangko na maglalagay sila ng malalaking kahon kung saan maari din nilang ilagay ang kanilang mga nais ibahaging tulong.

Kabilang sa mga ipinapanawagang agarang tulong na maaaring ibigay ay mga inuming tubig, pagkain, kandila, posporo o lighter, mga gamot, tsinelas, banig, kumot at damit. (BARecebido, PIA-5/Sorsogon)

No comments: