Friday, May 3, 2013

Mga brgy. official ng Castilla magsasagawa ng blood donation activity


Ni Bennie A. Recebido

SORSOGON CITY, May 3 (PIA) – Nagkaisa ang mga opisyal ng 34 na mga barangay sa bayan ng Castilla, Sorsogon para isang blood donation activity ngayong araw.

Sa ulat na ipinaabot sa PIA Sorsogon, alas-otso kaninang umaga sinimulan ang libreng pagpapakuha ng dugo ng mga barangay official sa Castilla.

Layunin ng hakbang na ito na makalikom ng kaukulang bilang ng dugo at maibigay sa Department of Health nang sa gayon ay may magamit ang mga pasyente sa panahon ng pangangailangan.

Matatandaang isa ang pangangailangan sa dugo sa mga kinakaharap na suliranin at kakulangan sa mga ospital kung saan kailangan pang maghanap ng dugo o blood donor para sa pasyente lalo na yaong mga nanganganak.

Kaugnay nito, nanawagan din ang LGU-Castilla sa iba pang mga lokal na pamahalaan sa Sorsogon na gawin ding aktibidad sa mga barangay ang blood donation lalo pa’t hindi lamang ang mga mangangailangang pasyente ang madudugtungan ang buhay kundi nakakatulong din ito sa taong magbibigay ng dugo upang muling mapalitan ng bago ang dugong mananalaytay sa kanyang mga ugat na magiging susi upang higit na maging malakas at makapagpapabata pa sa kanya.  (BARecebido, PIA Sorsogon)

Thursday, May 2, 2013

Two NPAs apprehended in Magallanes encounter


SORSOGON CITY, May 1 (PIA) – Two members of the New People’s Army (NPA) were captured following an encounter on May 1, 2013, 5:20pm at Brgy. Siuton, Magallanes, Sorsogon.

Colonel Teody T. Toribio, Commanding Officer of the 31st Infantry Battalion, said that his soldiers under Captain Christopher Santander encountered 10 NPAs while on combat patrol in the forested area of the same place.

“The 10-min firefight did not bring any harm to our soldiers while we recovered three M16 rifles, a landmine, and subversive documents,” said Col. Toribio.

Col. Toribio disclosed that they received reports from concerned citizens and from “peace-loving” NPAs that a “hard core” NPA group will be conducting extortion to some political candidates in Magallanes prompting them to conduct combat operation.

Captain Santander, meanwhile, narrated that during the firefight, they have heard voices shouting for surrender, and that he immediately ordered his men for ceasefire. “They were laying face down on the ground with their firearms by their side when they were captured”, described Santander.

The two captured rebels were identified as Judy Torres a.k.a. Ka Rolly, 33 years old, a resident of Brgy Dolos, Bulan, Sorsogon; and Jomar Gracilla, 19 years old, resident of Brgy Pili, Magallanes, Sorsogon. The two belong to the NPA's Front Committee 80 in Sorsogon. “Both of them were not hurt and were treated well at the headquarters of the 31IB in Brgy Rangas in Juban, Sorsogon,” said Santander.  

Colonel Joselito Kakilala, Commander of 903rd Brigade, lauded the quick response of the soldiers to the reports of the civilians. He also praised the soldiers involved in the operation for their professional conduct in the observance of the Rules of Engagement and Human Rights.

The encounter was the second to happen within the span of three days in Bicol. On April 29, 2013, soldiers of the 83IB in Catanduanes have also encountered 10 NPA rebels in San Andres town that yielded an M16 rifle and leaving one soldier, Pfc Christopher Briquela, wounded. (MPPPanesa, PA/BARecebido, PIA Sorsogon)

Pagpapatuyo ng mga produkto sa lansangan ipinagbabawal ng DPWH



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, May 2 (PIA) – Muling ipinaalala ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga residente at mga negosyante na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng mga lansangan o kalsada sa pagbibilad o pagpapatuyo ng mga palay, kopra at iba pang mga produkto.

Ayon kay DPWH 1st District Engineer Romeo Doloiras, ito ay upang maiwasan ang anumang mga aksidente sa lansangan lalo na ng mga gumagamit ng motorsiklo.

Aniya, sa ipinalabas na Department Order No. 41 ng DPWH na may petsang Abril 12, 2013, muli nitong ipinaalala sa publiko ang mga probisyong nakasaad sa Section 23 ng Presidential Decree No 17 kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng alinmang bahagi ng lansangan o kalsada, tulay, at road right-of-way upang magbilad ng mga produkto lalo na ang mga palay. Kasama din sa ipinagbabawal ang paglalagay ng anumang bagay na maaaring makaharang sa maayos na daloy ng trapiko.

Ipinaliwanag din niya na hindi tumitigil ang DPWH sa paggawa ng mga hakbang upang maging maayos ang mga pambansang lansangan sa pamamagitan ng pagpapalapad pa nito nang sa gayon ay mas maging maginhawa ang mga motorista at hindi upang gawing solar dryer.

Partikular nilang tinukoy na sa inisyal nilang paglilibot, marami silang nakitang nagbibilad ng palay sa bayan ng Magallanes habang sa Bacon District, Sorsogon City naman ay palay at kopra ang mga makikitang pinatutuyo sa lansangan.

Nakadadagdag pa umano sa panganib sa mga motorista ang mga bato at iba pang harang na inilalagay bilang proteksyon sa binibilad nilang produkto.

Nanawagan din si Engr. Doloiras sa mga opisyal at tanod ng lungsod, munisipyo at mga barangay na higpitan din ang kanilang nasasakupan sa pamamagitan ng pagpapalabas ng kautusan ukol sa pagbabawal sa paggamit ng lansangan o kalsada.

Matatandaang kamakailan lamang ay isang aksidente sa lansangan ng Trece Martires sa Casiguran, Sorsogon ang naitala kung saan dalawang buhay nabuwis dahilan sa pag-iwas umano ng tsuper sa isang residente na nagbibilad ng palay.

Sinabi din ni Engr. Doloiras sinumang mapapatunayang lumabag sa nasabing kautusan ay mahaharap sa kaukulang penalidad sa halagang di tataas sa isang libong piso o pagkakakulong ng anim na buwan. (BARecebido, PIA Sorsogon)



Presyo ng mga pangunahing bilihin patuloy na sinusubaybayan ng DTI


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, May 2 (PIA) – Patuloy pa rin ang regular na pagsubaybay ng Department of Trade and Industry (DTI) Sorsogon sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa lalawigan ng Sorsogon.

Ayon kay DTI Sorsogon Provincial Director Leah Pagao, sa kabila ng kawalan nila ng tanggapan at tauhan sa mga bayan ng Sorsogon ay regular pa rin nilang nasusubaybayan ang halaga ng mga pangunahing pangangailangan at bilihin sa 14 na bayan sa pamamagitan ng tamang pag-aayos ng mga iskedyul at pagtatalaga ng masisipag na mga tauhang gagawa ng pagsubaybay.

Aniya, nagpapasalamat siya sa mga negosyante sapagkat wala silang naitatalang nagsasamantala sa halaga ng produkto at pangangailangan ng mga kunsumidor. Inihayag din niya na may ilang mga tindahan din ang nakakapagbigay pa ng mas murang halaga ng bilihin kaysa sa itinalagang Suggested Retail Price (SRP) nang hindi nasasakrispisyo ang kalidad at uri ng produkto.

Ang Price Monitoring ay isang epektibong paraan upang matulungang maayos na mabadyet ng mga kunsumidor ang kanilang perang pambili ng produkto, sapagkat nabibigyan ng malinaw na senaryo ang mga kunsumidor pagdating sa halaga ng mga bilihin sa iba-ibang mga pamilihan.

Malaking tulon ito sa mga regular na namamalengke para sa kanilang arawan o lingguhang kunsumo dahilan sa malalaman nila ang galaw ng mga presyo ng bilihin at nagagabayan din sila kung alin sa kanilang mga pangangailangan ang ipa-prayoridad.

Kabilang sa mga tinatawag na basic commodities ay ang mga de-latang isda, prinosesong gatas, kape, sabong panlaba at panligo, asin, kandila at tinapay. Habang kabilang naman sa prime commodities ang mga prinoseso at de-latang karne at baka, toilet soap, mga sawsawan, suka, toyo, noodles, naterya at posporo. Ang presyo ng mga bilihing ito ay pawang nasa ilalim ng pagsubaybay ng DTI.

Ayon pa kay Pagao, kung nais malaman ang SRP para sa mga pangunahing bilihin, maglog-on lamang sa www.dti.gov.ph at i-click ang suggested retail price at para naman sa pinakahuling presyo ng bilihin ay i-click ang Bantay Presyo o Price Watch.

Pinayuhan din nito ang mga kunsumidor na suriing mabuti ang timbang at ang mga nakalagay na price tag bago bilhin ang produkto.

Ayon pa sa kanya, sakaling may katanungan o reklamo ang publiko ay maaari silang makipag-ugnayan sa pinakamalapit na tanggapan ng DTI o di kaya’y tumawag sa numerong 421-5553 o itext ang kanilang hotline sa numerong 09272907771. (BARecebido, PIA Sorsogon)

Mga progresibong grupo, nagmartsa kaugnay ng pagdiriwang ng Araw ng Paggawa


Ni: FB Tumalad, Jr.

Lungsod ng Sorsogon, Mayo 2 (PIA) – Isang pagmartsa ang ginawa ng mga kasapi ng Kilusang Mayo Uno, Bayan Muna, Makabayan, Karapatan, Kabataan, at iba pang mga progresibong grupo sa Sorsogon kahapon upang ipakita ang kanilang mga sintemyentong may kaugnayan sa paggawa at kahirapan ng mga Pilipino.

Ayon sa grupo, hindi lamang sa Sorsogon nakararanas ng kahirapan dahilan sa kawalan ng trabaho o mapagkakakitaan para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya kundi maging saan man sa bansa.

Kaugnay nito, nanawagan ang mga raliyista sa pamahalaan partikular kay Pangulong Benigno Aquino III ukol sa paglikha ng karagdan pang mga trabaho, umento sa sahod ng mga manggagawa, pagbasura sa Oil Deregulation Law, solusyon sa malawakang kontrakwalisasyon, pagpapababa ng presyo ng mga bilihin sa merkado at pagtutol sa mga isinasagawang balikatan exercises sa bansa.

Hindi rin nakaiwas ang mga kumakandidatong pulitiko para sa Halalan sa Mayo 2013 sa panawagang isama sa kanilang mga prayoridad ang usapin ukol sa kawalan ng trabaho at kahirapan ng mga Sorsoganon.

Subalit sa kabila ng mga batikos sa sistema ng kasalukuyang administrasyon ay patuloy na gumagawa ang pamahalaan ng kaukulang interbensyon upang mabigyan ng kasagutan ang kahirapan sa bansa tulad na lamang ito ng mga programa sa 4Ps ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), jobs fair ng Department of Labor and Employment (DOLE) at mga tulong ng Technical Education Skills Development Authority (TESDA) nang sa gayon ay matugunan ang kawalan ng hanapbuhay at pangangailangan ng mga mamamayang Pilipino.

Panawagan ni Pangulong Aquino sa mga mangagawa at employer sa pulong noong Abril 30, 2013 sa Malakanyang na ituring ang Labor Day na isang magandang araw ng trabaho at isantabi ang sisihan at ugaling negatibo.

Sa halip aniya na tratuhin ang Labor Day bilang araw ng piket at sigawan, mas mainam na ituring ito bilang selebrasyon — isang araw na masayang nagdiriwang ang mga manggagawa at mga negosyante dahil sa matagumpay at produktibong taon; isang araw na kinikilala ang sipag ng bawat empleyado, at kung gaano kalaking biyaya ang magkaroon ng isang trabahong marangal at mabuhay ang bawat pamilya.

Habang isinasagawa ang pagmamartsa kahapon ng mga militanteng grupo ay naka-alerto din ang puwersa ng mga kapulisan at Phil. Army mula madaling araw upang subaybayan ang ginagawang kilos protesta na tinatayang umaabot sa mahigit dalawandaang katao ang nakilahok at siguruhing mananatili ang kaayusan.

Naging mapayapa naman at walang anumang naganap na kaguluhan ang Labor Day kahapon. (FB Tumalad, PIA Sorsogon)

Monday, April 29, 2013

Pirmahan ng MOA para sa 10 taong Provincial SWM Plan ng Sorsogon isasagawa



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 29 (PIA) – Isasagawa bukas sa lungsod ng legazpi ang oryentasyon ukol sa Solid Waste Management Plan (SWMP) para sa mga Local Government Unit (LGUs) ng Sorsogon at pirmahan ng Memorandum of Agreement (MOA) kaugnay ng binuong plano para sa solid waste management program ng Sorsogon.

Ayon kay Environmental Management Bureau Regional Director Roberto D. Sheen ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), magtitipon-tipon bukas ang mga kinatawan ng Provincial Solid Waste Management (PSWM) Council at mga punong ehekutibo para sa gagawing oryentasyon para sa 14 na mga bayan at isang lungsod ng Sorsogon nang sa gayon ay lubusang maunawaan ng mga ito ang binuong plano at ang gagawing pagpapatupad nito.

Kasabay nito ay ang pirmahan ng MOA para sa pagsusulong ng sampung taong Provincial Solid Waste Management Plan ng Sorsogon upang higit pang mapagtibay ito at magkaroon ng iisang direksyon sa pagpapatupad ng plano alinsunod sa mga napagkasunduan.

Tatalakayin din umano sa nasabing pagtitipon ang mga pinakahuling kaalaman, polisiya, at mga mahahalagang probisyong nakapaloob sa Republic Act 9003 o ang Philipphine Ecological Solid Waste Management Act 0f 2000, at ang papel na gagampanan ng LGU.

Nakatakda ring magkaroon ng Open Forum para sagutin ang mga agam-agam at mga usaping maaaring makahadlang sa matagumpay na pagpapatupad ng binuong mga plano.

Ayon pa kay RD Sheen, magiging basehan din ang ang 10-yr Provincial Solid Waste Management Plan na ito para sa mas epektibong ecological solid waste management program ng rehiyon ng Bicol.

Ang aktibidad ay pinangunahan ng EMB katuwang ang National Solid Waste Management Commission (NSWMC) kung saan inaasahan din ang pagdating ni NSWMC Deputy Executive Director Engr. Eligio Ildefonso. (BARecebido, PIA Sorsogon)