INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA,
JR.
DZRB / PILIPINAS, PILIPINAS
January 05, 2014
SEC. COLOMA: Okay po, umpisahan na po natin. Ang unang
pahayag ay hinggil sa panukalang paglipat ng pagbubukas ng klase.
Bukas ang pamahalaan sa pag-aaral ng panukalang ilipat ang
panahon ng pagbubukas ng klase para sa mga kolehiyo at unibersidad mula Hunyo
patunggong Setyembre bilang paghahanda sa pag-iisa ng ating mga kasaping bansa
sa ASEAN sa ilalim ng konsepto ng ASEAN Integration simula sa taong 2015.
Layunin din ng panukalang ito ang pagtugon ng ating bansa sa panawagang bigyan
daan ang ASEAN Mobility o ang malayang paglalakbay ng mga mamamayan sa bansang
ASEAN upang mag-aral sa mga paaralan na may internasyunal na oriyentasyon at
upang magamit ang kanilang mga kakayahan o talento sa iba’t ibang larangang
propesyunal.
Ang desisyon ng apat sa pinakamalaking pamantasan sa bansa
na ilipat ang pagsisimula ng kani-kanilang mga klase ay alinsunod sa kanilang
pagiging autonomous at naaayon din sa mga konsepto ng ASEAN Integration at
ASEAN Mobility. Gayunpaman, kailangan pa ring magsagawa nang mas malawakang
konsultasyon sa lahat ng sektor at samahan na may taya sa usaping ito. Ayon kay
CHEd Chairperson Secretary Patricia Licuanan, may nabuo ng high level technical
working group na kasalukuyang tinitimbang ang lahat ng mga salik at masusing
sinusuri ang lahat ng opinion para umabot sa maayos na pagpapasya.
Pansinin din natin na mayroon ng mga kolehiyo at unibersidad
na nagpapatupad ng trimester o quarterly na kalendaryo kaya mas maraming
pagkakataong binibigay sa pagpasok at pagmatrikula ng mga mag-aaral na hindi
sumusunod lamang sa tradisyunal na semestral calendar. Kailangang
isaalang-alang na kapag binago ang kalendaryo ng lahat ng kolehiyo at pamantasan,
maapektuhan nito ang kalendaryo para sa mataas at mababang paaralan.
Ayon kay Kalihim ng Edukasyon Brother Armin Luistro, sa
kasalukuyan ay wala pang nakikitang agarang dahilan sa pagpapalit ng kalendaryo
ng DepEd dahil sa mga sumusunod: una, hindi pare-pareho ang pagbubukas-paaralan
sa ASEAN. May mga bansang nagsisimula ng Enero, ang iba naman ay Mayo; ikalawa,
wala pang masyadong mobilidad ang mga batang mag-aaral sa mababa at mataas na
paaralan, ‘di tulad ng mga mag-aaral sa kolehiyo at unibersidad; ikatlo, ang
pagpapalit ng kalendaryo ay hindi tuwirang tutugon sa mga problema ng pagbagyo
at pagbaha dahil sa pagbabagong klima o climate change; at ika-apat, maaaring
magkaroon nang negatibong epekto sa pag-aaral sa panahon nang pinakamainit na
klima sa mga buwan ng Abril at Mayo.
Ipinauubaya ng pamahalaan sa Kongreso bilang kapantay at
indipendiyenteng sangay ang pangunguna sa pagkilos sa paglipat sa schedule ng
pagbubukas ng klase dahil ito ay napapaloob sa batas. Sa kasalukuyan, patuloy
na tatalima ang pamahalaan sa pangunguna ng Kagawaran ng Edukasyon sa sinasaad
ng batas tungkol sa tinatakdang panahon ng pagbubukas ng klase.
Ang ikalawa naman pong pahayag ay hinggil sa pagtataas ng
kontribusyon sa SSS at Philhealth. Simula noong bagong taon, pinatupad ang
dagdag kontribusyon para sa mga kasapi ng SSS at Philhealth. Ang SSS at
Philhealth ay dalawa sa mahahalagang programa ng pamahalaan hinggil sa social
protection o pagbibigay kalinga sa pinakanangangailangang sektor ng lipunan. Sa
konsepto po ng social protection ay binibigyan ng pamahalaan ng tulong ang mga
mamamayan na pinakanangangailangan, at inaayudahan din po iyon namang mga
mamamayan na merong kakayahan na mag-ambag para sa kanila ring kapakinabangan,
sa pamamagitan ng pagsasanib ng mga resources para po maibsan iyong ligalig o
panganib na maaaring maging sanhi ng kawalan ng kita o ng kawalan nang sapat na
pananalapi kapag dumating ang pangangailangan. Kaya dapat pong unawain ang
konteksto nitong mga social protection programs na tinuring natin, dalawa na
nga po diyan iyong Philhealth at SSS contribution.
Kaya nga po kung tutunghayan natin ang kasalukuyang
situwasyon, ang Philhealth ay sumasakop na sa lagpas sa otsienta porsiyento ng
mga mamamayan, kabilang ang lahat ng mga miyembro nang mahigit sa apat na
milyong pamilyang kinakalinga ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o ng
Conditional Cash Transfer Program. Ang lahat sa kanila ay tinuturing na
sponsored members ng Philhealth sapagka’t tinataguyod ng pamahalaan ang
pagbabayad ng kanilang Philhealth premiums. Hindi po sila sakop ng nakaraan
dagdag kontribusyon na umiral simula Enero 1. Ang sakop ng karagdagang
kontribusyon ay iyong mga empleyado sa kumpaniya at iyong mga individual paying
members at ang mga Overseas Filipino Workers. Para sa mga empleyadong may
pinakamababang suweldo, ang kanilang buwanang premium ay itinaas mula sa P100
hanggang P200. Ang karagdagang isandaang piso buwan-buwan ay paghahatian o
tiglimampung piso ang ambag ng kumpaniya at ng empleyado. Kung isasalin po natin
sa araw-araw na halaga ay lampas lang po sa tatlong piso isang araw ang
karagdagang bayarin o ambag.
Para naman sa mga OFWs, itinaas din mula sa P100 hanggang
P200 ang kanilang buwanang kontribusyon. Kung tutunghayan ang bagong schedule
ng premiums, malinaw na magaan naman ang pinapatupad na dagdag ambag sa
Philhealth, lalung-lalo na kung tutuusin ang mga dagdag benepisyo na patuloy na
pinaiiral tulad ng intensified point-of-care enrolment ng lahat ng mga Pilipino
mula sa Class C3 at Class D – iyon pong Class D lamang ay bumubuo na sa halos
sitenta porsiyento ng ating populasyon – at ito po ay epektibo sa lahat ng
otsienta y singkong pampublikong ospital sa buong bansa.
Sa aspeto naman po ng SSS contribution, maaalala natin na
binanggit ng Pangulong Aquino sa kaniyang nakaraang SONA ang pangangailangan na
mamuhunan sa kinabukasan sa pamamagitan nang pagtaas ng antas kontribusyon
upang maiwasan ang tuluyang pagkaubos ng pondo na tinatayang nababawasan ng
walong porsiyento bawat taon. Ito po iyong tinatawag na actuarial life o buhay
ng pondo ng Social Security System. Sa sandaling maubos ang pondo ng SSS, buong
sambayanan ang siyang babalikat ng mga pangangailangan ng mga pensyonado dahil
sa garantiya ng pamahalaan. Ang pinatupad po na dagdag na premiums o employer
contribution sa SSS simula January 1, 2014 ay 0.6% sa buwanang hulog at ang
pagbabago sa tinatawag na maximum salary credit. At ang dalawa pong bagay na
ito ay upang tukuyin iyong unfunded liabilities o iyong hindi pa mabayaran na
pagkakautang ng SSS na umaabot na sa 1.078 trilyong piso.
Bunga po sa pagtataas, mababawasan ng 166 bilyong piso ang
kakulangan sa pondo ng SSS. Ang pagtaas sa kontribusyon ay napagpasiyahan
lamang matapos ng isang malawakan at masusing konsultasyon sa hanay ng mga
pinakamalalaking samahan ng mga negosyante at grupo ng manggagawa tulad ng
ECOP, PCCI at TUCP.
Ang pagbabago naman sa antas ng maximum salary credit mula
15,000 hanggang 16,000 ay may kaakibat din pagtataas ng benepisyo na aabot sa
pitong porsiyento. Sa katunayan, tataas ng tatlumpung piso ang maximum daily
allowance ng benepisyo sa pagkakasakit mula sa kasalukuyang P450 tungo sa P480.
Samantalang P33 naman ang umento sa maximum daily allowance ng Maternity
Benefit na umakyat mula P500 tungo sa P533 daily. Sa Retirement Pension naman,
ang isang miyembrong nakapaghulog ng sampung taon sa ilalim ng 6,000 na maximum
salary credit ay posibleng makakuha ng P400 na pagtaas sa buwanang pensyon.
Samantalang P800 naman ang itataas sa buwanang pensyon ng isang miyembrong naghulog
ng apatnapung taon sa maximum salary credit na 15,000. Tataas din po ang
maaaring hiramin para sa isang buwang salary loan mula P15,000 hanggang
P16,000.
Kaya’t malinaw po sa pagpapahayg natin na ang kinauukulang
pagtaas sa kontribusyon ng SSS at Philhealth ay, una, produkto po nang masusing
pag-aaral at konsultasyon; pangalawa, tinimbang po at tiniyak na hindi po
magiging masyadong mabigat, bagkos ito ay magaan at kayang pasanin ng mga
kinauukulan; at ikatlo, ito po ay nagreresulta sa mas makabuluhang mga
benepisyo para sa mga kasapi ng SSS at Philhealth.
Ang huli pong pahayag ay tungkol sa pag-amyenda sa EPIRA.
Nananatiling matibay ang paninindigan ng pamahalaan na itaguyod at pangalagaan
ang kapakanan ng mga mamamayan, at ipatupad ang mandato ng batas na pigilan ang
anumang uri ng pang-aabuso sa merkado at siguruhin ang pag-unlad ng sektor ng
ekonomiya. Dahil dito, bukas ang pamahalaan sa malalimang pag-aaral at
malawakang talakayan hinggil sa umiiral na Electric Power Industry Reform Act o
EPIRA. Pagkatapos nang lampas sa labindalawang taong pag-iral ng batas,
napapanahon nang suriin ang mga probisyon ng batas upang tanggalin ang mga
nakikitang kahinaan nito at palitan ng mga bagong atas na naaayon sa kapakanan
ng sambayanan.
Noon pang Mayo 2012 nang idaos ang Mindanao Power Summit sa
Davao, sinabi na ng Pangulong Aquino na kinakailangang suriin at alamin kung
natupad ng EPIRA ang mga layuning pangreporma na nakatakda sa batas na ito. Ang
pag-aaral sa pag-amyenda ng batas ay dapat tukuyin ang pagkakaroon nang sapat
na supply at estabilidad ng presyo ng kuryente, petrolyo at enerhiya sa ating
bansa.
Iyan po ang aking mga pahayag. Handa na po akong tumugon sa
mga katanungan.
Q: Good afternoon, sir. Question po mula kay Gen Kabiling.
Ang sabi po niya: Final na po ba ang pagtataas ng SSS at Philhealth
contribution rate? May plano ba si Presidente Aquino na ipatigil ito?
SEC. COLOMA: Batay po iyan sa masusing pag-aaral, naaayon
din po sa batas. Wala pong planong ipatigil dahil sa mga kadahilanang nabanggit
na rin sa aking pahayag.
Q: So, lumalabas po na base sa inyong pahayag ay justified
iyong sa SSS na pagtaas ng contributions dahil may pagtaas naman yata sa
benepisyo lalo iyong mga pensyonado, from P500 yata o to P800, depende sa
salary grade ng isang pensyonado.
SEC. COLOMA: Ganun nga po. At nais ko pong ipaliwanig muli
na ang konteksto po sa pagtataas ng mga benepisyong ito ay sakop doon sa social
protection, iyong pagkakaroon po ng mga polisiya at programa na tumutugon sa
pagbawas sa kahirapan at iyong pagiging vulnerable o pagiging maligalig para sa
ating mga kababayan iyong mga kaganapan katulad ng pagkakasakit o iyong kawalan
ng kikitain na regular. Ito po ay isang konsepto na itinataguyod sa lahat ng
mga modernong bansa na meron pong social protection at social insurance
programs.
At kaya din naman po lumalahok ang mga mamamayan ay para
maramdaman po nila iyong kahalagahan ng pagiging responsable sa pagpaplano ng
kanilang kabuhayan sa isang paraang magiging kapaki-pakinabang para sa kanila at
sa kanilang mga pamilya.
KA EFREN: Kasi lumalaki po kada taon iyong babalikatin ng
gobyerno kasi iyong pensyonado, lumalaki ho, taun-taon po iyan. Kaya kailangan
talaga i-sustain iyong pondo para matustusan iyong tinatawag nating social
protection lalo dito sa mga pensyonado po.
SEC. COLOMA: Ganun nga Efren ‘no. Sapagka’t kung tutunghayan
natin ang kasaysayan, simula 1980 hanggang 2012 ay nagkaroon na ng dalawampu’t
isang beses na pagtataas ng pension benefit ng mga miyembro ng SSS. At hindi po
binabago iyong—kumakailan lang po ‘no, dalawang beses lamang yata doon sa
panahong iyon binago ang kontribusyon. At ito naman pong pinakahuling pagbabago
ay .6% lamang, at kung titignan po natin sa daily at monthly basis ay magaan
naman po at kaya naman pong pasanin ng mga kasapi ng SSS.
At ganun din po ang sa Philhealth, hindi po nagbago iyong
singil simula nung maka-ilang taon na ang nakalilipas. At inuulit po natin,
iyon pong mga sponsored members, iyong mga tumatanggap ng benepisyo sa Pantawid
Pamilyang Pilipino Program, wala pong pagtaas sa kanilang benepisyo. Ang
babalikat po sa kaunting pagtaas, iyon pong mga naghahanapbuhay na may
kapaki-pakinabang na kinikita buwan-buwan.
ALBERT: All right. Another question po from Gen Kabiling, on
another topic. Ang sabi po niya: Is the government alarmed that the country’s
rising population will put more pressure on the country’s resources? Will the
government step up the RH Program to curb population growth?
SEC. COLOMA: Kaya naman po mayroon tayong Philippine
Development Plan na tumutukoy sa layunin na inclusive growth. Matagal na pong
pinag-aaralan ang galaw ng dagdag sa ating populasyon, iyon pong mga
kinakailangang mga resopurces na tutugon sa dami ng populasyon natin. At kaya
naman po kung tutunghayan din natin, taun-taon, patuloy pong dinadagdagan ng
pamahalaan ang porsiyento ng pambansang budget na nauukol sa kagalingang
panlipunan. Sa 2014 National Budget nga po ay nakatutok po doon sa social
protection at social welfare and development, 37.4% po ang nakalaan para diyan
para nga po tumugon sa dagdag na pangangailangan ng karagdagang populasyon.
Ngayon po, noong nakaraang 2012 ay naipasa na ng Kongreso,
pagkatapos ng maraming dekada, iyong Responsible Parenthood and Reproductive
Health Law. Kaya lang po ay pinigil ng Korte Suprema ang pagpapatupad dito at
inaantay pa po ang pagpapasya. Ganunpaman ay ipinagpapatuloy po lahat ng iba
pang mga programa na awtorisado ng batas para po tukuyin iyong dumadaming
pangangailangan ng ating dumadaming populasyon. Matagal na pong pinaghandaan
ito, patuloy pong tinutugunan ito sa pamamagitan ng mga programa sa kagalingan
panlipunan.
VANCE: Okay, sir, si Bernard Taguinod po, may tanong po
siya: Ang sabi ng mga militant groups sa House, kaya daw ni Presidente na
pigilan ang power rate hike sa pamamagitan ng pag-certify as urgent sa EPIRA
amendment at alisin ang probisyon na pabor lang sa mga negosyante sa power
industry. Ano daw po ang take ng MalacaƱang regarding this?
SEC. COLOMA: Kaya nga po inihayag natin na bukas ang aming
isipan para po sa pagkakaroon ng pag-aaral, pag-aanalisa at paghahain ng
panukala sa pagbabago ng Electric Power Industry Reform Act.
Marami pong sangkot na sektor dito, at bawat isa po sa
kanila ay mayroong taya. Kinakailangan pong marinig ang kanilang tinig at
malaman ang kanilang posisyon. At siguro po sa proseso ng talakayan at
pakikipag-ugnayan ay makakapagbuo tayo ng consensus o common ground. At kapag
nagkaroon po niyan ay maririnig din po natin ang tinig ng mga mamamayan hindi
lang po ng isa o iilang sektor. Kapag naganap po iyan ay dapat pong makita na
natin iyong mga konkretong panukala hinggil sa pag-amyenda ng batas. At
hihintayin po natin iyong maayos na pagdaloy ng prosesong ito at saka po hahantong
doon sa punto na maaaring ikunsidera iyong pag-certify ng urgent kasi mayroon
lang pong mga sinusunod na pamantayan na naaayon sa batas ang ating Pangulo.
Hindi po siya basta-basta nagsesertipika ng urgency. Bago po makapagsertipika
ng urgency, kailangan pong mabuo muna kung ano ba iyong mga batas na tutukoy sa
mga repormang hinahangad ng iba’t ibang sektor.
KA EFREN: Ano po iyong assurance ng Palasyo sa stable power
supply o brownout-free summer? Ano po iyong maibibigay ng—
SEC. COLOMA: Patuloy pong tinututukan ng ating Department of
Energy ang power situation sa lahat ng bahagi ng ating bansa. Nakikipag-ugnayan
po sa iba’t ibang sektor para matiyak po iyong patuloy na mapagkakatiwalaang
supply ng kuryente dahil mahalaga po ito sa pag-unlad ng ating bansa at sa
pagtamo ng ating mga economic development objectives.
Hindi po puwedeng mapahintulutan iyong pagkakaroon nang
malawakan o madalas na brownout dahil magiging masama po ang epekto nito sa
ating ekonomiya. Kaya makatitiyak po tayo na patuloy na tinututukan ng ating
Department of Energy ang sitwasyon, pinaghahandaan kung magkakaroon ng
shortages sa iba’t ibang lugar at binabalanse po iyong sitwasyon ng supply and
demand para maging kapaki-pakinabang po sa ating pangkalahatang ekonomiya.
VANCE: Sir, on another issue from Ace Romero ng Philippine
Star. Ang sabi po niya: Iyong population commission said, a higher population
can put strain in resources. ‘Di po ba more people means more human resources,
that would mean an asset to the economy?
SEC. COLOMA: Ganun nga po ‘no. Iyan po ay isang hamon at isa
rin pong pagkakataon dahil ang tao po ang pinakamahalagang bumubuo ng anumang
lipunan. Iyan po ang balanseng pagtanaw natin sa sitwasyon na iyan, kaya nga po
ang ating Philippine Development Plan ay nakatutok doon sa inclusive growth.
Kasama po dapat lahat, na karamihan ng Pilipino ay hindi po dapat na maipuwera
o mailagay sa isang tabi iyon pong nakakarami.
ALBERT: Sir, from Ace Romero ulit: Is PNoy open to
certifying EPIRA amendment as urgent?
SEC. COLOMA: Tinugunan ko na po kanina lang. Bago po
magkaroon ng sertipikasyon ay tunghayan muna po natin ang mga amendments ‘no.
Kailangan pong mabuo muna iyong batas o iyong mga reporma. Kailangan pong mauna
muna iyong pag-aaral at iyong pagkakaroon nang nagkakaisang pananaw ang iba’t
ibang sektor para po makabuo tayo ng batas na maglalaman sa mga reporma.
ALBERT: Sir, on another topic. Iyong pamilya po nung
labintatlong biktima ng Atimonan incident po, nananawagan po sa Aquino
administration to expedite the resolution of the case and punish the guilty raw
po. So, ano po ang reaksyon ng Palasyo rito?
SEC. COLOMA: Gagawin po ang mga kinakailangan sa larangan ng
administrative at prosecution action sa hanay po ng lahat ng mga concerned
government agencies para po magawaran ng katarungan ang mga naiwan pong nasawi
sa kaganapang iyan.
VANCE: Okay, sir, iyon pong nakalagay po dito sa isang
newspaper na nakalagay: No Alliance with GMA, FVR according to ERAP. Kasi
sinasabi po, the former President Gloria Macapagal-Arroyo will never happen,
amid rumors of such an alliance after Estrada and Ramos visited the detained
Arroyo last year. Ano po ang masasabi ng Palasyo regarding this, that there
will be no alliance with GMA?
SEC. COLOMA: Kung ano po ang naging pahayag nila ay
iginagalang po natin ang lahat ng mga nagpahayag na iyan. Pero sa ganang amin
po, hindi po iyan ang prayoridad na pinag-uukulan ng pansin sapagka’t marami
pong mahahalagang usapin sa ating bansa, tulad po nang agarang rehabilitasyon
at rekonstruksiyon para sa mga nasalanta ng kalamidad, ng Yolanda at sa
Zamboanga pati po doon sa Bohol earthquake at iyong Santi. Mas prayoridad po ng
administrasyon iyon pong mga programa ng reporma at iyong programa ng
pagbabagong-tatag mula sa kalamidad at iyong pagsulong po ng Philippine
Development Plan.
KA EFREN: So, siguro po, bale lighter side po. Nakalinya rin
diyan iyong kasagutan ng Palasyo doon sa remark naman nitong Comedienne Ai-Ai
delas Alas na ang kanyang Pangulo sa 2016 ay si Vice President Jejomar Binay.
SEC. COLOMA: Hayaan na po natin si Bb. Ai-Ai at lahat ng iba
pang gustong magpahiwatig ng kanilang saloobin dahil kalayaan naman po nila
iyan.
ALBERT: Sir, question po from Gen Kabiling. Sabi po niya:
More critics have recently visited detained ex-president Gloria Arroyo. Will
President Aquino now change his mind and visit his predecessor? Is there still
room for reconciliation between Arroyo and Aquino?
SEC. COLOMA: Iyon pong sinabi ng Pangulo noong unang
tinanong iyan noong bandang Kapaskuhan ay malinaw. Kinakailangan pong magkaroon
ng pananagutan o accountability process. Wala naman po siyang masamang hangarin
o masamang saloobin laban kay Ginang Arroyo. Pero sa kanya pong pagturing ay
hindi po angkop iyong kaisipang iyan. Pero ginagalang po namin ang nais dumalaw
kay Ginang Arroyo at karapatan naman po nila iyon.
KA EFREN: So, ibig sabihin po so far, wala sa calendar o
diary itong si Pangulo ang—
SEC. COLOMA: Sabihin na lang po natin na hindi po iyan
prayoridad sa kasalukuyan.
VANCE: Sir, regarding dito po sa US. Pinaaalahanan iyong
utang sa Tubbataha, hanggang ngayon po kasi isang taon matapos sumadsad iyong
USS Guardian sa karagatan ng Pilipinas na nakapinsala ng mga coral reefs. Sabi
po ng World Heritage site na hindi nakakabayad ng US sa pambansang gobyerno sa
pinsalang nagawa nito sa protected marine sanctuary. Ano po ang masasabi ng
Palasyo regarding this kasi isang taon na po ito?
SEC. COLOMA: Mayroon po kasi iyang proseso na tungkol po
diyan sa aspetong iyan. At dahil nga po diyan sa prosesong na iyan ay naantala
iyong pagbabayad ng kumpensasyon sa ating pamahalaan. Siyempre po kung tayo po
ang tatanungin, mas gusto po natin iyong matanggap na iyong kabayaran dahil
gusto po natin iyong pagpupondo ng mga kinakailangang repair o iyong rehabilitation
po ng ating damaged biodiversity doon sa lugar na iyon. Pero dahil kinikilala
din po natin ang mga proseso ng batas, hihintayin po natin iyong maagang
pagresolba sa usapin iyan.
VANCE: So, sir, para pong binabalewala ng US ang kahilingan
ng Supreme Court na sagutin iyong petisyon ng Writ of Kalikasan na inihain
laban sa respondent. Any reaction on this?
SEC. COLOMA: Hindi po ako handang mag-react diyan sa sinabi
ninyo. Kailangan po sigurong pag-aralan pa po iyan.
VANCE: Okay, thank you, sir.
KA EFREN: So, wala na po yatang question. Iyong parting
message po natin siguro, iyong assessment natin sa prospect sa 2014 para sa
Palasyo at sa buong bansa po?
SEC. COLOMA: Sa pagpasok po ng taong ito ay nasa isip po
natin ang kahalagahan ng agarang pagpapatupad ng maraming programa sa reporma.
At nandoon po iyong panawagan ng ating Pangulo sa lahat ng mga mamamayan na
pagtulungan po natin ang pagharap sa mga hamong kinakaharap natin. Pagtulungan
po natin iyong pagbabagong-tatag sa mga lugar ng kalamidad. At higit sa lahat,
pagtulungan po natin iyong pagpapatupad ng mga kinakailangang programa sa
reporma at pagpapaunlad ng ating bansa na siyang maghahatid sa ating
ALBERT: With that, sir, marami pong salamat sa inyong muling
pagbigay ng oras para po sa bayan.
SEC. COLOMA: Maraming salamat at magandang hapon po sa
inyong lahat.
No comments:
Post a Comment