Tuesday, January 7, 2014

SSS Sorsogon ipinaliwanag ang dahilan ng pagtaas ng buwanang kontribusyon ng mga kasapi

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 7 (PIA) – Matapos maging usap-usapan ang pagtaas ng singil sa kontribusyon ng mga kasapi ng Social Security System (SSS) simula ngayong Enero 2014, ipinaliwanag ni SSS Sorsogon Branch Manager Alberto R. Bonafe Jr. ang mga kadahilanan sa naging pagtaas nito.

Sa ipinalabas na bagong iskedyul ng kontribusyon ng SSS, 0.6 percent ang itataas ng kontribusyon kung saan mula sa 10.4 percent ay magiging 11 percent na ito.

Ayon sa kanya, ang SSS ay isang mahalagang programa ng pamahalaan na nagbibigay ng social protection sa mga manggagawang nasa pribadong sektor kabilang na ang Overseas Filipino Workers (OFWs) na maaaring magamit nila sa kanilang pangangailangan at sa panahon ng kanilang pagreretiro sa serbisyo.

Ang pagtaas umano sa singil ng kontribusyon ay paghahanda rin ng SSS para sa benipisyong matatanggap ng mga manggagawa sa kasalukuyan na magreretiro din sa hinaharap, at sa pagtaas ng benepisyo ng mga kasapi nito tulad halimbawa ng maximum daily allowance ng mga nagkakasakit, maternity benefit at salary loan.

Matatandaang nabanggit ni Pangulong Benigno Aquino sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang taon ang pangangailangang mamuhunan para sa kinabukasan sa pamamagitan ng pagtaas ng antas ng kontribusyon upang maiwasan ang pagkaubos ng pondo sa hinaharap.

Maging si Presidential Communications Operations Office Secretary Sonny Coloma sa panayam ng programang “Pilipinas, Pilipinas” sa DZRB ay sinabing ang pagtaas ng singil ang tinatawag na “actuarial life” o buhay ng pondo ng SSS. Sa sandali umanong maubos ang pondo ng SSS, buong sambayanan ang siyang babalikat ng mga pangangailangan ng mga pensyonado dahil sa garantiya ng pamahalaan.

Ang pagtaas sa kontribusyon ay napagpasiyahan lamang matapos ang isang malawakan at masusing konsultasyon sa hanay ng mga pinakamalalaking samahan ng mga negosyante at grupo ng manggagawa tulad ng ECOP, PCCI at TUCP.

Samantala, inanunsyo ni Manager Bonafe na hanggang ngayong buwan na lamang ng Enero bukas ang kanilang tanggapan para sa lahat ng transaksyon sa araw ng Sabado, kung kaya’t hinikayat niya ang mga kasapi na may panahon lamang bumisita sa kanilang tanggapan sa araw ng Sabado na samantalahin ang pagkakataon upang matugunan ang kanilang hinaing at katanungan.

Hinikayat din niya ang mga kasaping wala pang SSS ID na mag-aplay na upang mabigyan na ng ID lalo’t kailangan nila ito sa kanilang mga transaksyon sa kanilang tanggapan. Para naman umano sa mga magpapalit pa ng SSS Unified Multi-purpose Identification (UMID) Card o di kaya’y nawala ang kanilang ID, dalawang-daang piso ang babayaran para sa replacement fee.

Sa kasalukuyan, maliban sa patuloy pang pagpapaganda ng serbisyo ng SSS Sorsogon para sa mga kasapi nito, sinabi din ni Manager Bonafe na naghahanap din sila ng bagong lugar na higit pang malaki ang espasyo ngunit madaling puntahan ng kanilang mga kliyente nang sa gayon ay mas maging komportable ang mga ito. (BARecebido, PIA-5/Sorsogon)



No comments:

Post a Comment