Friday, June 11, 2010

SORSOGON HANDA NA SA PAGDIRIWANG NG 112TH PHILIPPINE INDEPENDENCE

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (June 11) – Handa na ang provincial at city government ng Sorsogon para sa isang simpleng seremonya kaugnay ng paggunita sa ika-isangdaan at labing dalawang taong anibersaryo ng kalayaan ng bansa bukas, June 12 na may temang “KALAYAAN:Tagumpay ng Bayan”.

Ayon kay Sorsogon Governor Sally A. Lee ipinalabas na niya noon pang ika-dalawampu’t walo ng Mayo sabay sa pagdiriwang ng Philippine Flag Day ang Memorandum No. 22 series of 2010 na nag-aatas sa lahat ng mga pinuno at empleyado ng mga tanggapan sa lalawigan na makiisa sa simpleng seremonya ng paggunita sa kalayaan ng bansa na gagawin sa Freedom Park, Capitol Ground.

Tatampukan ito ng seremonya ng pagtataas ng Watawat ng Pilipinas kasabay ng pagkanta ng Pambansang Awit ng Pilipinas sa pangunguna ng Philippine National Police, ganap na alas-syete y medya ng umaga.

Susundan ito ng Panunumpa sa Watawat na pangungunahan naman ng kinatawan mula sa Department of Education.

Matapos ito ay isusunod naman ang pag-aalay ng mga bulaklak ng mga chief of offices dito sa munumento n gating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal.

Samantala, ayon naman kay PNP Provincial Director PSSupt. Heriberto Olitoquit, nananatiling handa at alerto naman ang mga kapulisan dito kaugnay pa rin ng gagawing selebrasyon bukas.

Nanawagan din siya sa publiko na makiisa at panatilihing mapayapa ang anumang mga hakbang na gagawin bilang pagpupugay sa tunay na demokrasya sa bansa. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

Wednesday, June 9, 2010

SORSOGON BAY AT JUAG LAGOON NANANATILING LIGTAS SA PARALYTIC SHELLFISH POISONING

SORSOGON PROVINCE (June 9) – Nananatiling negatibo sa red tide toxin ang Juag Lagoon sa bayan ng Matnog at ang Sorsogon Bay sa lungsod ng Sorsogon kung kaya’t patuloy na mai-enjoy pa rin ng mga residente ang pagkain ng mga lamang-dagat mula sa dalawang look.

Sa pinakahuling bulletin na ipinalabas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), nasa anim na lamang na look at katubigan sa buong bansa ang positibo na lamang sa paralytic shellfish poisoning na kinabibilangan ng Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur; Bislig Bay sa Bislig City, Surigao del Sur; Matarinao Bay sa Eastern Samar; Murcielagos Bay sa Zamboanga del Norte at Misamis Occidental at mga kostal na katubigan sa Bolina at Anda sa Pangasinan.

Subali’t binigyang-diin ni Provincial Fisheries Officer Gil Ramos na kahit pa nga nananatiling ligtas sa paralytic shellfish poisoning ang mga look sa Sorsogon, patuloy pa rin nilang pinag-iingat ang publiko sa pamamagitan ng tamang paglilinis at pagkain ng mga preskong lamang-dagat na nakukuha sa katubigan ng Sorsogon.

Binigyang babala din niya ang publiko na doblehin ang pag-iingat at higit na maging mapagmanman lalo na sa pagpasok ng La NiƱa kung saan matapos ang sobrang init ng panahon ay agad na susundan ng matinding tag-ulan sapagkat ang mga ganitong sitwasyon ang maaaring magpabalik sa mga organismo ng red tide. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

PCG SORSOGON AT ANG KANILANG ‘OPLAN PAGHAHANDA’

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (June 9) – Handang-handa na ang Philippine Coast Guard Sorsogon sa pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan kaugnay ng nalalapit na pagbubukas ng klase sa susunod na linggo.

Ayon kay PCG Sorsogon City Station Commander Lt. Junior Grade Ronnie Ong, bahagi ng kanilang “Oplan Paghahanda 2010” ay ang pag-aalerto sa mga Coast Guard stations sa tatlong malalaking pantalan dito – ang Matnog, Pilar at Bulan – dahilan sa tiyak na pagdagsa ng mga estudyanteng pasahero dito.

“Nais naming matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero kung kaya’t itinaas na namin sa full alert status ang aming mga tauhan simula pa noong unang araw ng Hunyo at nakipag-ugnayan na rin kami sa mga shipping companies ukol sa mga patakarang dapat nilang sundin,” pahayag ni Ong.

“May inilagay na rin kaming passengers’ help desk sa naturang mga pantalan upang tiyaking nabibigyang-pansin ang mga pangangailangan ng mga pasahero at tao sa pantalan,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Ong na maliit man o malaking sasakyang pandagat ay dapat na sumunod sa patakarang ipinatutupad para na rin sa kaligtasan ng lahat, partikular na dito ang mahigpit na pagpapatupad ng overloading at ‘no lifejacket, no travel policy’, pati na rin ang ‘proper storage of cargos policy’.

Sa panig ng pagmamantini ng seguridad, full alert na ang kanilang K-9 dogs sa mga pantalan ng Matnog, Pilar at Bulan at ang kanilang special operations units sa pantalan ng Matnog.

Ayon pa kay Ong, maliban sa papalapit na pasukan ay naghahanda na rin sa ngayon ang kanilang tanggapan sa pagpasok ng mga bagyo sa bansa bilang bahagi na rin ng kanilang disaster preparedness plan.

Samantala, binigyang-linaw ni Ong na sa Sorsogon ang tatlong malalaking pantalan lamang ang may Coast Guard stations. Deputized naman aniya, ang mga Local Government Units na ipatupad ang mga regulasyong pangkaligtasan sa mga lugar na hindi na sakop ng coastguard. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

MGA KABATAAN SA SORSOGON NAGHAYAG NG PAKIKIISA SA KAMPANYA TUNGO SA KAPAYAPAAN

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (June 9) – Naging makabuluhan at nagbunga ng positibong resulta ang isinagawang Peace Youth Camp noong nakaraang linggo dito sa lungsod ng Sorsogon sa pangunguna ng Sulong CARHRIHL Youth Network Bicol sa pakikipag-ugnayan nito sa Provincial Alliance of NGOs and POs for Development (PANGOPOD), Inc.

Ayon kay Bicol CARHRIHL Youth Network Steering Committee Chair Melvin E. Demdam, nagpapasalamat sila sa mga organizers ng nasabing Youth Camp dahilan sa pagbibigay oportunidad sa mga kabataang tulad nila na maunawaan ang programang CAHRIHL o Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law na isinusulong ng pamahalaan.

Bilang tugon sa programang pangkapayapaan na ito ng pamahalaan, isinama ng mga kabataan sa kanilang action plan ang pagbuo din ng Provincial CARHRIHL Youth Network dito sa Sorsogon upang magsilbing tagapagtaguyod sa local level ng respeto sa karapatang pantao at pagtupad sa alituntunin ng International Humanitarian Law bilang mga pamamaraan sa pagtamo ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.

Ang Sulong CARHRIHL Youth Network ay ang opisyal na katuwang ng Sulong CARHRIHL na kinabibilangan ng mga youth organizations mula sa iba’t-ibang mga komunidad at unibersidad sa bansa.

Nais din nitong ipaalam at ipaunawa sa kabataan ang kanilang kontribusyon at mga hakbang na dapat gawin ng mga tulad nila sakaling maharap sila sa sitwasyon ng kaguluhan. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

PAGSUMITE NG 2010 ELECTIONS STATEMENT OF EXPENDITURES NG MGA KANDIDATO HANGGANG NGAYONG ARAW NA LAMANG

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (June 9) –Muling pinaalalahanan ng Commission on Election ang mga tumakbong kandidato nitong nakaraang halalan na hanggang ngayong araw na lamang sila tatanggap ng mga isusumiteng 2010 elections Statement of Contributions and Expenditures.

Ayon kay Provincial Election Supervisor Atty. Calixto Aquino, nanalo man o natalong kandidato ay dapat magsumite ng kanilang statements kung ilan ang natanggap nilang kontribusyon at nagasta kaugnay ng kanilang pangangampanya nitong May 10, 2010 national at local elections.

Matatandaang nakasaad sa Comelec En Banc Resolution No. 8944 na hindi dapat lalampas ngayong Hunyo a-nuebe ang pagfile ng kanilang SCE sa tanggapan ng Comelec kung saan sila nagfile ng kanilang certificate of candidacy.

Ayon kay Aquino ang mga kandidatong hindi makakasumite ng SCE ay maaaring patawan ng multang isanglibo hanggang tatlumpong libong piso.

Kaugnay nito, muling nilinaw din ng opisyal na ang mga Statement of Contributions and Expenditures ay tatanggapin mula alas-otso ng umaga hanggang alas singko lamang ng hapon.

Wala din aniya silang balak na magbigay pa ng extension sa mga ito. (Bennie A. Recebido, PIA SOrsogon)