Monday, January 17, 2011

BFP SORSOGON NAKAPAGTALA NG 19 NA INDEX FIRE NOONG 2010


SORSOGON PROVINCE – Sa pagtalikod ng taong 2010, labingsiyam na index fire ang naitala ng Bureau of Fire Protection sa lalawigan ng Sorsogon kung saan umabot sa P6.9 milyon ang naging damage nito.

Ayon kay Senior Fire Officer 3 Jose Ebdani, BFP Sorsogon Provincial Chief for Operation, sa labingsiyam na insidente ng sunog na ito, labing-isa ditto ay naganap sa Sorsogon City, apat sa bayan ng Bulan, tatlo sa Pilar at isa aman sa Donsol.

Ayon kay Ebdani, lahat ng ito ay pawang narespondehan naman agad ng mga bumbero partikular na pawing mayroon namang mga fire stations sa mga lugar na ito.

Sinabi din niya na tanging index fire incidence lamang ang inirerecord nila sa provincial BFP habang ang mga non-index fire incidence ay naiiwan na lamang sa mga munisipyo.

Kinakategoryang Index Fire incidence ang mga sunog na may pinsalang umaabot sa sampung libo pataas habang Non-Index Fire incidence naman kung mababa sa sampung libo ang halaga ng pinsala.

Samantala, kung pagbabasehan naman ang Index at Non-Index Fire Incidence sa lungsod ng Sorsogon, tatlumpu’t walong insidente ng sunog, ang naitala ng Sorsogon City BFP noong nakaraang taon kung saan umabot sa P2.5M ang naging pinsala nito. Karamihan sa mga ito ay sanhi ng electrical short circuits at walang naitalang sunog sanhi ng mga defective Christmas lights at mga firecrackers.

Ayon kay City BFP Fire Marshall Chief Inspector Renato Marcial, sa kabila ng mas mataas na tala ng sunog ngayon kung ihahambing noong 2009, mas mababa naman ang pinsalang naitala noong 2010.

Sinabi ni Marcial na noong 2009 ay labingtatlong insidente lamang ng sunog ang naitala subalit umabot sa P4.8M ang pinsalang dulot nito, mas mataas ng 2.3 milyong piso.

Patuloy pa ring umaapela si Marcial sa publiko na huwag maging pabaya at hinikayat din ito na patuloy na makiisa at suportahan ang fire safety advocacy ng BFP.

No comments:

Post a Comment