Thursday, December 1, 2011

Papel ng media mahalaga sa kampanya laban sa pagsugpo sa sakit na TB


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Disyembre 1, 2011 – Sa pangunguna ng World Vision-Social Mobilization Tuberculosis Project (WV-SMTP) sa pakikipagtulungan nito sa Kapisanan ng mga Broadcaster sa Pilipinas (KBP) Sorsogon Chapter, matagumpay na nagtapos kahapon ang dalawang araw na seminar-workshop para sa labing-walong mga mamamahayag ng Sorsogon na pinamagatang “Communicating the Social Mobilization Tuberculosis through the Media”.

Malinaw na nailahad sa mga brodkaster ng Sorsogon ang mahahalagang konsepto at impormasyon ukol sa kadahilanan, pagsugpo at paggamot sa sakit na Tuberculosis (TB).

Sa naging aktibidad, pangunahing tinutukan ang mahalagang papel ng media sa kampanya laban sa pagsugpo sa sakit na TB kung saan sa naging pahayag ni Communications Specialist Elenor T. De Leon, tinatawag na 4th estate ang mga mamamahayag dahilan sa malaki ang kapangyarihan nitong makagawa ng mga balita o isyung pag-usapan ng lahat. Ang media umano ang pinakamabisang paraan upang malaman ng publiko kung ano ang nagaganap sa paligid kasama na ang mga hakbang na ginagawa ng mga kinauukulan upang mabigyang kasagutan ang mga isyu at kaganapang ito.

Binigyang-diin din niya na bilang mamamahayag dapat na malinaw sa kanya kung ano ang konsepto at impormasyong dapat na maipaabot sa publiko, may basehan, gumagawa ng kaukulang pananaliksik at nakikipagkawing sa mga tamang personalidad at ahensyang may awtoridad na magsalita ukol sa isyung pinag-uusapan o ibinabalita.

Tinalakay naman ni Christopher B. Estallo, manager, Advocacy and Strategic Partnerships, World Vision Philippines ang paksang “Mobilizing for TB Communicating SMTP Initiatives in Sorsogon City.

Aniya, sa kanilang adbokasiya laban sa sakit na TB, mahalagang natututukan ang program advocacy, policy advocacy at media advocacy. Iprinisinta din niya kung ano ang maaaring gawin ng media upang maipaabot sa publiko ang mga inisyatibang nagawa at kasalukuyang ginagawa ng mga awtoridad sa kalusugan sa Sorsogon City ukol sa kampanya laban sa TB.

Naniniwala din ang World Vision na sa pamamagitan ng public-private partnership tulad umano ng tulungang hakbang ng World Vison, KBP at ahensya ng pamahalaan sa kalusugan, hindi maglalaon at makakamit ang mithiing maalis ang stigma ng TB sa komunidad at mapapagaling ang mga residenteng nabibiktima ng sakit na TB. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment