Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, May 14 (PIA) – Opisyal
nang nagbukas ngayong araw ang Butanding Festival sa Donsol, Sorsogon na
magtatagal hanggang sa ika-20 ng Mayo, 2012.
Kahapon ay nagkaroon na ng paunang
aktibidad kung saan ginanap ang Big Run Cross-Country Half Marathon sa pangunguna ng
pamahalaang bayan ng Donsol at ng Mayon Ultra Runners. Alas-singko ng hapon ng
ganapin naman ang pambungad na misa.
Kaninang umaga matapos ang Flag Ceremony ay
ginanap ang motorcade at opening program mula sa Rizal Park patungo sa Tourism
Office Deck sa Dancalan, Donsol.
Opisyal na ring binuksan kaninan ang
Agri-Trade Fair na tinagurian nilang “Big Trades, Big Buys” at ang Big Shots
Photo Contest na ayon sa mga organizer ay magtutuloy-tuloy ang exhibit at
registration hanggang sa huling araw ng festival.
Ilan pa sa mga aabangan ngayong araw ay ang
paglulunsad ng Big Bites Culinary Fest at Chefs’ Showdown kung saan itatampok dito
ang mga natatanging lutuin at pagkain hindi lamang sa Donsol kundi sa buong
lalawigan ng Sorsogon.
Gaganapin din sa hapon ang Mutya ng Donsol
Talent Show at Big Bingo Bonanza. Sa gabi ay inaasahang dadagsain ang Pasaling
Donsolanon Cultural Show at ang Butanding Bay Fun kung saan tampok ang bandang
mula pa sa Metro Manila.
Ilan pa sa aabangan sa mga darating na araw
ay ang iba’t-ibang mga patimpalak sa larangan ng paggandahan, pagsagwan,
isports, Big Time Videoke Challenge at Butanding watching, pagpapakita ng
iba’t-ibang mga fashion styles, environmental activities atpagpapalipad ng mga
lantern.
Tampok naman sa bisperas ng kapistahan ng
patron ng Donsol, St. Joseph the Worker sa May 18 ang Maritime Parade ng mga
replica ng Butanding mula Brgy. Dancalan hanggang sa pantalan ng Donsol;
Butanding parade; mini-festival of festivals kung saan makikita ang iba’t-ibang
festival ng 51 mga barangay sa Donsol; at ang Gabi ng Barangayan sa Butanding tampok
ang mga artista sa telebisyon.
Sa huling araw naman ay magkakaroon ng
konsyerto ngpamosong si Joey Ayala at inaabangan na rin ang Malaking fireworks
display.
Matatandaang dating ginaganap ang Butanding
Festival sa buwan ng Abril subalit, ngayong taon ay napagkasunduan ng mga
opisyal sa lugar na isabay na lamang ito sa kapistahan ng kanilang patron na
ipinagdiriwang tuwing ika-19 ng Mayo. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment