Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, May 11 (PIA) – Sa
isinagawang pagpupulong ng mga kasapi ng Provincial Peace and Order Council
(PPOC) dito kamakailan, sinabi ni Sorsogon Governor Raul R. Lee na pitong mga
bayan sa Sorsogon ang napiling maging benepisyaryo ng Proyektong Payapa at
Masaganang Pamayanan (PAMANA) ng pamahalaang nasyunal.
Ang PAMANA ay isang inisyatibang
pangkapayapaan at pangkaunlaran na ipinatutupad ng pamahalaan sa mga lugar na
apektado ng armadong labanan.
Ang mga ito ay ang bayan ng Casiguran at
Magallanes sa unang distrito at sa Barcelona, Irosin, Juban, Pto. Diaz at Gubat
sa ikalawang distrito.
Matatandaang tinukoy ng Office of the
Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) ang mga lalawigan ng
Camarines Norte, Sorsogon at Masbate sa Bicol bilang mga benepisyaryo ng mga
inisyatibang pangkaunlaran sa ilalim ng PAMANA.
Ayon pa kay Gov. Lee inihanda na ng
pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon sa pamamagitan ng Provincial Planning and
Development Office (PPDO) ang listahan ng mga prayoridad na proyekto sa ilalim
ng PAMANA at kaukulang badyet nito para sa taong 2012. Ang mga proyektong ito
ay ang mga sumusunod:
Barcelona – water system at river control
project; Casiguran – pagkokonkreto ng Calayugan-Burgos Farm to Market Road; Gubat
– pagkokonkreto ng Union-Sangat Farm to Market Road; Juban – pagkokonkreto ng
Caruhayon-Tinago Farm to Market Road at ng Lower-Upper Calmayon; Magallanes –
Eco-tourism project (Phase II) na kinabibilangan ng Parola Beach, Bucalbucalan
Spring Resort at Sta. Lourdes Grotto, pagtatayo ng evacuation center at ng
post-harvest facility na mechanical flat bed dryer, Irosin – pagsasakonkreto ng
Liang Farm to Market Road; habang sa Pto. Diaz – pagkokonkreto ng Gogon – San
Rafael Farm to Market Road.
Lahat ng nabanggit na proyekto ay
pinondohan ng tig-lilimang milyong piso na umaabot sa kabuuang halagang P40
milyon kabilang na ang provincial agricultural facility sa Brgy. Abuyog,
Sorsogon City na pagtatayo ng cold storage at cold chain facility.
Naghayag naman ng pasasalamat sa national
government si Gov. Lee partikular kay Pangulong Benigno Aquino III dahilan sa
mga tulong pangkaunlaran na ibinibigay nito sa lalawigan ng Sorsogon.
Hindi rin kinalimutan ng gobernador ang
malaking naiambag ni dating gobernador Sally A. Lee dahilan upang maisama ang
Sorsogon sa listahan ng mga benepisyaryong pangkaunlaran ng pamahalaan sa
ilalim ng programa ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP).
Samantala, nagkaroon naman ng
re-organization ng mga kasapi ng PPOC at ng PAMANA-DILG Fund Provincial
Technical Working Group (TWG) kung saan muling inilahad ng Department of
Interior and Local Government (DILG) ang mga papel na ginagampanan at
responsibilidad ng mga kasapi nito partikular sa PAMANA-DILG Fund sa ilalim ng
Joint Memorandum Circular ng OPAPP at DILG.
Kabilang sa kasapi ng PAMANA-DILG Fund
Provincial TWG ay ang DPWH-DEO1, DPWH-DEO2, AFP, PNP, DepEd, DSWD,
DENR/PENRO-LGU at ang DILG bilang chair ng TWG habang ang iba pang mga kasapi
ay magsisilbing consultant ng TWG. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment