Wednesday, August 29, 2012

21 “Most Wanted Persons” arestado ng PNP Sorsogon


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 29 (PIA) – Sa loob ng halos ay walong buwan ngayong taon, 21 “Most Wanted Persons” sa Sorsogon kasama na ang Most Wanted Persons sa lalawigan ng Cavite at Samar ang naaresto na ng mga awtoridad dito batay sa listahang ipinalabas ng Sorsogon Police Provincial Office – Provincial Investigation and Detective Management Bureau (SPPO-PIDMB).

Ayon kay PCI Alfredo Nierva, hepe ng SPPO-PIDMB, ito ay bunga ng pinaigting na manhunt operations ng PNP Sorsogon sa mga taong nakagawa ng kriminalidad at nananatiling hinahanap ng batas.

Aniya, ang mga naaresto mula Enero hanggang unang linggo ng Agosto ngayong taon ay may mga kasong mabibigat na naglagay sa kanila sa listahan ng “Top 20 Most Wanted Persons”.

Kabilang sa mga kasong ito ay ang murder, rape, frustrated murder, homicide, robbery, act of lasciviousness, paglabag sa RA 7610 at sa section 5 Article 2 ng RA 9165 at carnapping.

Ayon naman kay PNP Sorsogon Provincial Director John CA Jambora, patuloy ang ginagawa nilang paghahanap sa iba pang nagtatagong mga kriminal alinsunod na rin sa ika-anim sa 10-point action program ni PNP Chief Police Director General Nicanor A. Bartolome bilang hepe ng 140,000 na mga kapulisan sa bansa.

Malaking tulong din umano ang ipinatutupad ngayon na nationwide electronic network ng PNP kung saan naka-kawing sa national database ang mga taong wanted at arestadong kriminal sa lahat ng sulok ng bansa.

Inaasahan ding mas marami pang mga kriminal ang mailuluklok ng PNP sa dapat na kalagyan ng mga ito dahilan na rin sa magandang akses ng mga yunit ng PNP sa e-blotter, e-warrant at e-rouge database network. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment