Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 22 (PIA) – Nakabalik
na ngayon dito sa Sorsogon ang ilang mga tauhan ng Sorsogon Provincial Disaster
Risk and Management Office na ipinadala kahapon sa Brgy. Sta. Cruz, Donsol,
Sorsogon upang tumulong sa pagbibigay seguridad at pag-aalis ng ilang mga
mahahalagang kagamitan sa loob ng nag-emergency landing na chopper ng
Philippine Navy.
Matatandaang mula sa lalawigan ng Masbate, tumutulong
sana sa pagsasagawa ng aerial search kay Sec. Jesse Robredo at ng dalawa pang kasama
nito sa bumagsak na eroplano ang Philippine Navy chopper BO15 sakay ang
dalawang piloto, dalawang crew at isang mamamahayag nang nakaranas ito ng
aberya sa makina dahilan upang magdesisyon ang piloto na magsagawa na lamang ng
emergency landing bandang alas dyes ng umaga kahapon.
Nais pa sana umano ng piloto na mailapag
ito sa mas magandang lugar subalit hindi na kinaya ng makina kung kaya’t
napilitang ilapag na lamang ang chopper sampung metro mula sa baybayin ng Brgy.
Sta. Cruz, DOnsol, Sorsogon.
Mapalad namang ligtas at walang nasaktan
sinuman sa limang sakay ng chopper.
Ayon kay Lt. Randel Wandag, commanding
officer ng 31st Infantry Battalion Bravo Company ng Phil. Army, agad
namang bumalik sa Masbate ang nakasamang mamamahayag habang naiwan sa lugar ang
apat pang pasahero ng chopper upang mabantayan at suriin ang kondisyon ng
chopper.
Agad namang
rumisponde ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard, Top Cop at Municipal
Council ng Donsol, Phil Navy, Phil Army at ng Sor Prov'l Disaster Risk
Management Office sa Brgy. Sta Cruz upang tumulong sa pagsalba sa mga
mahahalagang gamit sa loob ng chopper bago pa man tuluyang lumubog ito sa tubig
dahilan sa high tide.
Ang Brgy. Sta. Cruz
ay isang liblib na kostal na barangay ng Donsol at hindi ito halos naaabot ng
transportasyon maliban sa bangka. (BARecebido, PIA Sorsogon)
Ang chopper ng Phil. Navy na nag-emergency landing 10 metro malapit sa baybayin ng Brgy. Sta Cruz, Donsol, Sorsogon. (Kuhang larawan ni Danny Pata/Bicol Today.com) |
No comments:
Post a Comment