Wednesday, August 22, 2012

Kumpirmasyong patay na si Sec. Robredo ikinalungkot ng mga Sorsoganon


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 22 (PIA) – Nakikidalamhati ang buong lalawigan ng Sorsogon sa sinapit at wala sa panahong pagpanaw ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo.

Ang halos ay tatlong araw na aandap-andap na pag-asang buhay pa ang kalihim at ang dalawa pang kasamahan nito ay tuluyan nang natuldukan matapos na kumalat ang balita at kumpirmahin ni Department of Transportation and Communication (DoTC) Secretary Mar Roxas na natagpuan na ang bangkay ni Sec. Robredo alas-otso kinse ng umaga kahapon, may 800 metro ang layo mula sa baybayin ng Masbate.

Sa naging pahayag ni Sorsogon Governor Raul R. Lee, sinabi nitong nakikiisa ang pamahalaang lalawigan ng Sorsogon sampu ng mga Sorsoganon sa pagpapa-abot ng pakikidalamhati sa pamilyang naulila ng pinakamamahal at kapwa Uragon na si Sec. Jesse Manalastas Robredo.

Aniya, ipinakita ni Sec. Jesse sa lahat ang tunay na kahulugan ng serbisyo publiko sa kabila ng popularidad nito. Dagdag pa ng gobernador na malaking kawalan sa pamahalaan si Sec. Jesse na tumayong haligi ng Katapatan, Integridad at Dedikadong Serbisyo Publiko at Kababaang-loob.

Hiniling din nito na ipagdasal ang pamilya at ang kapayapaan ng kaluluwa ni Sec. Robredo.

Sa ipinadala namang mensahe sa text ni Provincial Prosecutor Regina Coeli Gabito, inihayag nito ang kanyang panalangin para sa mahal na anak ng Lungsod ng Naga at Camarines Sur. Ipinaabot din niya ang kanyang pakikidalamhati sa mga taong nagmamahal at nagbibigay ng mataas na respeto sa kalihim. Nakalulungkot umanong muli na namang nawalan ng totoong lingkod-bayan ang bansa. Subalit sinabi din nito na naniniwala siyang payapa na ang kalihim kasama ng Panginoon.

Ayon naman sa ilang mga residente, hindi man nila personal na kilala si Sec. Robredo, naging mabuting halimbawa ito para sa kanila base na rin sa naririnig nilang mga papuri mula sa iba’t-ibang mga sektor saan mang dako sa bansa, sa malinis na track record at sa magagandang nagawa nito lalo na sa paglaban sa korapsyon, sugal at droga at sa pagsunod sa matuwid na daan na siyang isinusulong ng kasalukuyang administrasyon.

Sinabi naman ni DILG Provincial Director Ruben Baldeo na nagkaroon sila ng pagpupulong kanina sa regional office 5 at inihayag niyang nakatakdang pumunta ng Naga City ang mga opisyal at ilang mga tauhan ng DILG Bicol upang magbigay ng huling pagpupugay sa yumaong kalihim at dumalo sa misa mamayang alas-singko ng hapon, at sa prayer vigil hanggang alas-kwatro ng umaga bukas. May mga kani-kaniya rin umanong plano ang tri-bureau ng DILG tulad ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Fire Protection (BFP) alinsunod na rin sa kautusan ng kani-kanilang mga regional director.

Samantala, matapos na ilagay sa half-mast ang bandila ng iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan sa buong lalawigan dahilan sa pagpanaw ni 1st District Congressman Salvador Escudero III, mananatili itong nasa half-mast bilang pagpupugay at pagkilala kay Kalihim Jesse Robredo. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment