Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 22 (PIA) –
Nakikidalamhati ang buong lalawigan ng Sorsogon sa sinapit at wala sa panahong
pagpanaw ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse
Robredo.
Ang halos ay tatlong araw na aandap-andap
na pag-asang buhay pa ang kalihim at ang dalawa pang kasamahan nito ay tuluyan
nang natuldukan matapos na kumalat ang balita at kumpirmahin ni Department of
Transportation and Communication (DoTC) Secretary Mar Roxas na natagpuan na ang
bangkay ni Sec. Robredo alas-otso kinse ng umaga kahapon, may 800 metro ang
layo mula sa baybayin ng Masbate.
Sa naging pahayag ni Sorsogon Governor Raul
R. Lee, sinabi nitong nakikiisa ang pamahalaang lalawigan ng Sorsogon sampu ng
mga Sorsoganon sa pagpapa-abot ng pakikidalamhati sa pamilyang naulila ng
pinakamamahal at kapwa Uragon na si Sec. Jesse Manalastas Robredo.
Aniya, ipinakita ni Sec. Jesse sa lahat ang
tunay na kahulugan ng serbisyo publiko sa kabila ng popularidad nito. Dagdag pa
ng gobernador na malaking kawalan sa pamahalaan si Sec. Jesse na tumayong
haligi ng Katapatan, Integridad at Dedikadong Serbisyo Publiko at
Kababaang-loob.
Hiniling din nito na ipagdasal ang pamilya
at ang kapayapaan ng kaluluwa ni Sec. Robredo.
Sa ipinadala namang mensahe sa text ni
Provincial Prosecutor Regina Coeli Gabito, inihayag nito ang kanyang panalangin
para sa mahal na anak ng Lungsod ng Naga at Camarines Sur. Ipinaabot din niya
ang kanyang pakikidalamhati sa mga taong nagmamahal at nagbibigay ng mataas na
respeto sa kalihim. Nakalulungkot umanong muli na namang nawalan ng totoong lingkod-bayan
ang bansa. Subalit sinabi din nito na naniniwala siyang payapa na ang kalihim
kasama ng Panginoon.
Ayon naman sa ilang mga residente, hindi
man nila personal na kilala si Sec. Robredo, naging mabuting halimbawa ito para
sa kanila base na rin sa naririnig nilang mga papuri mula sa iba’t-ibang mga
sektor saan mang dako sa bansa, sa malinis na track record at sa magagandang
nagawa nito lalo na sa paglaban sa korapsyon, sugal at droga at sa pagsunod sa
matuwid na daan na siyang isinusulong ng kasalukuyang administrasyon.
Sinabi naman ni DILG Provincial Director
Ruben Baldeo na nagkaroon sila ng pagpupulong kanina sa regional office 5 at
inihayag niyang nakatakdang pumunta ng Naga City ang mga opisyal at ilang mga
tauhan ng DILG Bicol upang magbigay ng huling pagpupugay sa yumaong kalihim at dumalo
sa misa mamayang alas-singko ng hapon, at sa prayer vigil hanggang alas-kwatro
ng umaga bukas. May mga kani-kaniya rin umanong plano ang tri-bureau ng DILG
tulad ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology
(BJMP) at Bureau of Fire Protection (BFP) alinsunod na rin sa kautusan ng
kani-kanilang mga regional director.
Samantala, matapos na ilagay sa half-mast
ang bandila ng iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan sa buong lalawigan dahilan
sa pagpanaw ni 1st District Congressman Salvador Escudero III,
mananatili itong nasa half-mast bilang pagpupugay at pagkilala kay Kalihim
Jesse Robredo. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment