Tuesday, August 21, 2012

Sorsoganon nakikidalamhati sa sinapit ni Sec. Robredo


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 20 (PIA) – Matapos ang pagdadalamhati ng mga Sorsoganon sa pagkawala ni 1st District Congressman Salvador “Tatay” Escudero III, muli na namang nagdadalamhati ngayon ang lalawigan ng Sorsogon sa sinapit ng kapwa Bicolano at kalihim ng Department of Interior and Local Government Jesse Robredo.

Matapos makumpirma ang pangyayari ay hindi na nag-aksaya pa ng oras ang ilang mga ahensya ng pamahalaan dito kung saan agad na nagpadala ang Coast Guard Sorsogon sa Matnog ng 5-man team sakay ng isang rubber boat dala-dala ang mga kagamitang panisid.

Maging ang 903rd Brigade ng Philippine Army ay nagpadala din ng mga tauhang pinangunahan mismo ni Commanding Officer Col. Felix J. Castro, Jr. upang tumulong sa pagbibigay seguridad sa lugar.

Matapos namang makipag-ugnayan ang Office of the Civil Defense Operations Center sa Search and Rescue (SAR) Team ng Coast Guard Bulan District ay agad ding pumunta sa pinangyarihan ang limang tauhan nito sa pamumuno ni ENS Arjay Ceneta at ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) Bulan Rescue Team na binubuo naman ng 18 katao sa pamumuno ni Bulan Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer (MDRRMO) Luis De Castro kasama ng Provincial DRRMC ng Masbate.

Nagkaroon din ng prayer brigade sa pamamagitan ng mga text message upang ipanalangin ang kaligtasan ng kalihim at ng dalawa pang kasamahan nito.

Matatandaang ikinagulat ng mga Sorsoganon ang lumabas na balita ukol sa aksidente ng pagbagsak ng sinasakyang Piper Seneca plane ni Sec. Robredo habang papauwi na matapos itong dumalo sa isinagawang groundbreaking ceremony ng PNP Regional Training Center sa Cebu. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: