Tuesday, August 21, 2012

Awtoridad agad na rumisponde sa nasiraang chopper sa bayan ng Donsol


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 22 (PIA) – Nakabalik na ngayon dito sa Sorsogon ang ilang mga tauhan ng Sorsogon Provincial Disaster Risk and Management Office na ipinadala kahapon sa Brgy. Sta. Cruz, Donsol, Sorsogon upang tumulong sa pagbibigay seguridad at pag-aalis ng ilang mga mahahalagang kagamitan sa loob ng nag-emergency landing na chopper ng Philippine Navy.

Matatandaang mula sa lalawigan ng Masbate, tumutulong sana sa pagsasagawa ng aerial search kay Sec. Jesse Robredo at ng dalawa pang kasama nito sa bumagsak na eroplano ang Philippine Navy chopper BO15 sakay ang dalawang piloto, dalawang crew at isang mamamahayag nang nakaranas ito ng aberya sa makina dahilan upang magdesisyon ang piloto na magsagawa na lamang ng emergency landing bandang alas dyes ng umaga kahapon.

Nais pa sana umano ng piloto na mailapag ito sa mas magandang lugar subalit hindi na kinaya ng makina kung kaya’t napilitang ilapag na lamang ang chopper sampung metro mula sa baybayin ng Brgy. Sta. Cruz, DOnsol, Sorsogon.

Mapalad namang ligtas at walang nasaktan sinuman sa limang sakay ng chopper.

Ayon kay Lt. Randel Wandag, commanding officer ng 31st Infantry Battalion Bravo Company ng Phil. Army, agad namang bumalik sa Masbate ang nakasamang mamamahayag habang naiwan sa lugar ang apat pang pasahero ng chopper upang mabantayan at suriin ang kondisyon ng chopper.

Agad namang rumisponde ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard, Top Cop at Municipal Council ng Donsol, Phil Navy, Phil Army at ng Sor Prov'l Disaster Risk Management Office sa Brgy. Sta Cruz upang tumulong sa pagsalba sa mga mahahalagang gamit sa loob ng chopper bago pa man tuluyang lumubog ito sa tubig dahilan sa high tide.

Ang Brgy. Sta. Cruz ay isang liblib na kostal na barangay ng Donsol at hindi ito halos naaabot ng transportasyon maliban sa bangka. (BARecebido, PIA Sorsogon)
Ang chopper ng Phil. Navy na nag-emergency landing 10 metro malapit sa baybayin ng Brgy. Sta Cruz, Donsol, Sorsogon. (Kuhang larawan ni Danny Pata/Bicol Today.com)


No comments: