Thursday, August 23, 2012

DAR pinalawak pa ang pagpapaabot ng impormasyon sa ARBs


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 23 (PIA) – Puspusan ang ginagawang information dissemination ng Department of Agrarian Reform upang maipaabot nito ang mga kaukulang impormasyon sa mga magsasaka partikular sa mga benepisyaryo ng Agrarian Reform at mga enrollees nito.

Sa pamamagitan ng Radyo Agraryo, isang programa sa radyo, naipaaabot ng DAR ang mga impormasyon, kaganapan at iba pang mga mahahalagang kaalamang dapat maintindihan ng publiko particular ng mga benepisyaryo ng Agrarian Reform.

Ayon kay Provincial Agrarian Reform Officer Roseller Olayres, ang “long-distance education” program na ito sa radyo ay naglalayon ding mabenipisyuhan ang kanilang mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) ng natatanging mga kaalamang magagamit nila sa hinaharap.

Maliban umano sa regular at napapanahong mga impormasyong pang-agraryo, nagbibigay din ito ng pagsusulit o quiz para sa mga tagapakinig na ARB-enrollees kung saan binibigyan ng insentibo mula sa DAR ang sinumang makakakuha ng perfect score.

Ang Radyo Agraryo ay maririnig sa buong lalawigan tuwing Linggo sa 102.3 DZGN-FM, alas-syete hanggang alas-otso ng gabi at tumatayong anchor dito si CARPO Lucy Vitug.

Ayon kay Vitug, pinili talaga nila ang nasabing oras upang hindi ito makasagabal sa panonood ng mga teleserye sa telebisyon na kadalasang napanood mula Lunes hanggang Biyernes. (BARecebido, PIA Sorsogon/AJA, DAR)





No comments:

Post a Comment