Thursday, August 2, 2012

Gulayan at Pag-aalaga ng hayop susi sa pagkakaroon ng sustenableng kabuhayan at nutrisyon


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 2 (PIA) – Tinututukan ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang mga katuwang na ahensya nito ang pagtatayo ng mga gulayan at pag-aalaga ng hayop sa mga komunidad bilang susi sa pagkakaroon ng sustenableng kabuhayan at magandang nutrisyon ng mga naninirahan dito.

Sa ginawang pagbisita sa Sorsogon ni DSWD Secretary Corazon “Dinky” Juliano-Soliman noong Sabado sinabi nitong isa sa mga ipinapakilala nila ngayon sa mga komunidad ang pagtatanim ng gulay at pag-aalaga ng manok, baboy at iba pang mga uri ng hayop na maaaring mapagkunan ng hanapbuhay.

Ito ang tiniyak ng kalihim sa kanyang mensahe matapos ang pirmahan ng Memorandum of Agreement kaugnay ng pagpapalawak pa ng programang Pantawid Pamilyang Pilipino at programa sa seguridad sa pagkain at hanapbuhay lalo na ng mga pamilyang lantad sa panganib dala ng kalamidad.

Ayon kay Kalihim Soliman, sakop nito ang lahat ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino program sa Sorsogon lalo na yaong kabilang sa listahan hanggang taong 2013, upang matiyak na sa pagtatapos ng taong 2013 ay kaya na talaga ng mga itong magkaroon ng maayos na hanapbuhay at pamumuhay nang hindi na nakaasa pa sa pamahalaan.

Magiging pilot umano ng Gulayan sa lalawigan ng Sorsoogn ang mga bayan ng Irosin at Sta. Magdalena katuwang ang National Nutrition Council (NNC), National Anti-Poverty Commission (NAPC), lokal na pamahalaan (LGU), iba pang mga ahensya ng pamahalaan, at iba pang mga organisasyon na may kahalintulad na layuning mabawasan kung di man matuldukan ang kahirapan ng pamilyang Pilipino na siyang tugon na rin sa Goal Number 1 ng Millenium Development. (BArecebido, PIA Sorsoogn/HBinaya)


No comments:

Post a Comment