Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 2 (PIA)
– Tinututukan ngayon ng Department of Social Welfare and Development
(DSWD) at iba pang mga katuwang na ahensya nito ang pagtatayo ng mga gulayan at
pag-aalaga ng hayop sa mga komunidad bilang susi sa pagkakaroon ng sustenableng
kabuhayan at magandang nutrisyon ng mga naninirahan dito.
Sa ginawang pagbisita sa Sorsogon ni DSWD
Secretary Corazon “Dinky” Juliano-Soliman noong Sabado sinabi nitong isa sa mga
ipinapakilala nila ngayon sa mga komunidad ang pagtatanim ng gulay at
pag-aalaga ng manok, baboy at iba pang mga uri ng hayop na maaaring mapagkunan
ng hanapbuhay.
Ito ang tiniyak ng kalihim sa kanyang
mensahe matapos ang pirmahan ng Memorandum of Agreement kaugnay ng pagpapalawak
pa ng programang Pantawid Pamilyang Pilipino at programa sa seguridad sa
pagkain at hanapbuhay lalo na ng mga pamilyang lantad sa panganib dala ng
kalamidad.
Ayon kay Kalihim Soliman, sakop nito ang
lahat ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino program sa Sorsogon
lalo na yaong kabilang sa listahan hanggang taong 2013, upang matiyak na sa
pagtatapos ng taong 2013 ay kaya na talaga ng mga itong magkaroon ng maayos na
hanapbuhay at pamumuhay nang hindi na nakaasa pa sa pamahalaan.
Magiging pilot umano ng Gulayan sa
lalawigan ng Sorsoogn ang mga bayan ng Irosin at Sta. Magdalena katuwang ang
National Nutrition Council (NNC), National Anti-Poverty Commission (NAPC),
lokal na pamahalaan (LGU), iba pang mga ahensya ng pamahalaan, at iba pang mga
organisasyon na may kahalintulad na layuning mabawasan kung di man matuldukan
ang kahirapan ng pamilyang Pilipino na siyang tugon na rin sa Goal Number 1 ng
Millenium Development. (BArecebido, PIA Sorsoogn/HBinaya)
No comments:
Post a Comment