Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 2 (PIA) –
Magandang balita sa mga Sorsoganon ang kasalukuyang sitwasyon ng kaayusan at
katahimikan sa lalawigan dahilan sa patuloy na pagbaba ng mga insidente ng
krimeng naitala ng Sorsogon Police Provincial Office – Provincial Investigation
and Detective Management Branch (SPPO-PIDMB) partikular sa loob ng unang anim
na buwan ngayong taon sa pamumuno ni Provincial Director PSSUpt John CA
Jambora, kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Batay sa istatistika ng SPPO, 436 na
insidente ng krimen ang naitala sa buong Sorsogon mula Enero 1 hanggang Hunyo
30, 2012, mas mababa ng 91 kaso o 17 porsyento mula sa 527 na insidente ng
krimen sa loob ng unang anim na buwan noong 2011.
Nakapagtala ang SPPO ng 16 posyentong
pagbaba sa bilang ng mga index crime o yaong mga krimeng kinabibilangan ng
murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft, carnapping at
pagnanakaw ng mga alagang hayop, habang tumaas naman ng 17 porsyento ang
non-index crime o yaong mga kaso ng paglabag sa mga espesyal na batas, kung
ikukumpara ang mga bilang na ito noong nakaraang taon.
Sa bahagi ng crime efficiency rating ng PNP
Sorsogon, 53 porsyento ang naitalang marka ng SPPO,mas mataas ito ng 15
porsyento kumpara sa 38 porsyentong marka na nakuha nila noong 2011.
Ayon pa sa tala ng SPPO, nangunguna sa
kanilang listahan ng may mataas na bilang ng kaso ng krimen ang physical
injury, sunod ang robbery, murder, theft, homicide, rape, pagnanakaw ng mga
hayop at carnapping.
Kunsideradong lutas na ang kaso kung nasa
kustodya na ng mga awtoridad ang suspetsadong criminal at nadala na sa korte
habang cleared naman ang kaso kung natukoy na ang suspetsado at ang kaso ay
naisampa na sa korte.
Matatandaang isa sa mga ibinida ng
Pangulong Aquino sa kanyang pangatlong State of the Nation Address ang naging
pagbaba ng bilang ng mga naitatalang krimen sa bansa at isa na ang lalawigan ng
Sorsogon sa makapagpapatunay nito. (BARecebido, PIA Sorsogon/MHatoc)
No comments:
Post a Comment