Thursday, August 2, 2012

Insidente ng krimen sa Sorsogon patuloy na bumababa


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 2 (PIA) – Magandang balita sa mga Sorsoganon ang kasalukuyang sitwasyon ng kaayusan at katahimikan sa lalawigan dahilan sa patuloy na pagbaba ng mga insidente ng krimeng naitala ng Sorsogon Police Provincial Office – Provincial Investigation and Detective Management Branch (SPPO-PIDMB) partikular sa loob ng unang anim na buwan ngayong taon sa pamumuno ni Provincial Director PSSUpt John CA Jambora, kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Batay sa istatistika ng SPPO, 436 na insidente ng krimen ang naitala sa buong Sorsogon mula Enero 1 hanggang Hunyo 30, 2012, mas mababa ng 91 kaso o 17 porsyento mula sa 527 na insidente ng krimen sa loob ng unang anim na buwan noong 2011.

Nakapagtala ang SPPO ng 16 posyentong pagbaba sa bilang ng mga index crime o yaong mga krimeng kinabibilangan ng murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft, carnapping at pagnanakaw ng mga alagang hayop, habang tumaas naman ng 17 porsyento ang non-index crime o yaong mga kaso ng paglabag sa mga espesyal na batas, kung ikukumpara ang mga bilang na ito noong nakaraang taon.

Sa bahagi ng crime efficiency rating ng PNP Sorsogon, 53 porsyento ang naitalang marka ng SPPO,mas mataas ito ng 15 porsyento kumpara sa 38 porsyentong marka na nakuha nila noong 2011.

Ayon pa sa tala ng SPPO, nangunguna sa kanilang listahan ng may mataas na bilang ng kaso ng krimen ang physical injury, sunod ang robbery, murder, theft, homicide, rape, pagnanakaw ng mga hayop at carnapping.

Kunsideradong lutas na ang kaso kung nasa kustodya na ng mga awtoridad ang suspetsadong criminal at nadala na sa korte habang cleared naman ang kaso kung natukoy na ang suspetsado at ang kaso ay naisampa na sa korte.

Matatandaang isa sa mga ibinida ng Pangulong Aquino sa kanyang pangatlong State of the Nation Address ang naging pagbaba ng bilang ng mga naitatalang krimen sa bansa at isa na ang lalawigan ng Sorsogon sa makapagpapatunay nito. (BARecebido, PIA Sorsogon/MHatoc)

No comments:

Post a Comment