Thursday, September 20, 2012

Bagong Commanding Officer ng 9ID bumisita sa Sorsogon


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, September 21, (PIA) – Bumisita kahapon sa Sorsogon ang bagong Commanding Officer ng 9th Infantry Division ng Philippine Army Major General Romeo V. Calizo dito sa rehiyon ng Bicol upang mag-courtesy call kay Sorsogon Governor Raul R. Lee.

Naging pagkakataon din ang pagbisita ni Calizo upang ipakilala ito sa mga lokal na mamamahayag dito at mailatag ang mga programa nito bilang bagong commanding officer ng 9ID.

Sa naging pahayag ni Calizo tiniyak niyang magpapatuloy ang mga magagandang adhikain ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas lalo sa pagsusulong ng kapayapaan at paglaban sa insurhensiya sa buong rehiyon.

Suhestyon naman ng isa sa mga mamamahayag na dumalo sa presscon na palawakin pa ang Barangay Defense System (BDS) lalo na sa ikalawang distrito ng Sorsogon lalo pa’t kitang-kita ang naging tagumpay nito sa ilang lugar sa Sorsogon.

Napag-usapan din ang mga proyektong pangkaunlaran sa mga kanayunan na ipinatupad sa ilalim ng Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) kung saan ikinatuwa ni Gen Calizo na tinatamasa na ngayon ng mga Sorsoganon ang mga proyektong isinusulong ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pangkapayapaan at kaunlaran.

Patuloy din umano ang kanilang Social Integration Program bilang pagtanggap sa mga nais magbalik-loob sa pamahalaan at nakalatag na din umano ang kanilang peace process program.

Ayon pa kay Calizo, sa kanilang pagtatasa, mataas na ang antas ng kaalaman ng mga mamamayan ukol sa mga programang pangkapayaan ng pamahalaan. Ito umano ang naging daan sa mabilis na realisasyon ng mga programa ng pamahalaan ukol sa kapayapaan at kaunlaran.

Umaasa siya na ang presensya ng AFP sa Sorsogon maging irrelevant na dahil naaabot na nito ang tunay na layuning pangkapayapaan at maibigay na sa lokal na pamahalaan ang pamamahala sa pagpapatupad ng programang pangkapayapaan.

Si Calizo ang pumalit sa dating pwesto ni Major General Josue Gaverza bilang Division Commander ng Philippine Army sa Bicol. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment