Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, September 21, (PIA) – Bumisita kahapon sa Sorsogon ang
bagong Commanding Officer ng 9th Infantry Division ng Philippine
Army Major General Romeo V. Calizo dito sa rehiyon ng Bicol upang mag-courtesy
call kay Sorsogon Governor Raul R. Lee.
Naging pagkakataon din ang pagbisita ni
Calizo upang ipakilala ito sa mga lokal na mamamahayag dito at mailatag ang mga
programa nito bilang bagong commanding officer ng 9ID.
Sa naging pahayag ni Calizo tiniyak niyang
magpapatuloy ang mga magagandang adhikain ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas
lalo sa pagsusulong ng kapayapaan at paglaban sa insurhensiya sa buong rehiyon.
Suhestyon naman ng isa sa mga mamamahayag
na dumalo sa presscon na palawakin pa ang Barangay Defense System (BDS) lalo na
sa ikalawang distrito ng Sorsogon lalo pa’t kitang-kita ang naging tagumpay
nito sa ilang lugar sa Sorsogon.
Napag-usapan din ang mga proyektong
pangkaunlaran sa mga kanayunan na ipinatupad sa ilalim ng Payapa
at Masaganang Pamayanan (PAMANA) kung saan ikinatuwa ni Gen Calizo na tinatamasa na ngayon
ng mga Sorsoganon ang mga proyektong isinusulong ng Armed Forces of the
Philippines (AFP) sa pangkapayapaan at kaunlaran.
Patuloy din umano ang kanilang Social
Integration Program bilang pagtanggap sa mga nais magbalik-loob sa pamahalaan
at nakalatag na din umano ang kanilang peace process program.
Ayon pa kay Calizo, sa kanilang pagtatasa,
mataas na ang antas ng kaalaman ng mga mamamayan ukol sa mga programang
pangkapayaan ng pamahalaan. Ito umano ang naging daan sa mabilis na realisasyon
ng mga programa ng pamahalaan ukol sa kapayapaan at kaunlaran.
Umaasa siya na ang presensya ng AFP sa
Sorsogon maging irrelevant na dahil naaabot na nito ang tunay na layuning
pangkapayapaan at maibigay na sa lokal na pamahalaan ang pamamahala sa
pagpapatupad ng programang pangkapayapaan.
Si Calizo ang pumalit sa dating pwesto ni
Major General Josue Gaverza bilang Division Commander ng Philippine Army sa
Bicol. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment