Friday, September 7, 2012

Bagong kampanya ng DOH kontra Malaria inilunsad sa Sorsogon


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Setyembre 7 (PIA) – Nakarating na sa Sorsogon ang grupo ng Department of Health (DOH) na siyang nangunguna sa kampanyang “Byaheng Kulambo” sa ilalim ng temang “Saving Lives, Preventing Deaths and Sustaining Investments for Malaria”.

Sa isinagawang paglulunsad kahapon sa ST Lopez Hall sa Dr. Fernando B. Duran, Sr. Memorial Hospital, nagkaroon ng ceremonial turn-over sa pagitan ng DOH at ng pamahalaang lalawigan ng Sorsogon ng simbolikong kulambo o ang Long Lasting Insecticide Treated Net (LLIN).

Matapos ito ay inihayag ng pamahalaang probinsyal sa pamamagitan ng Provincial Health Office (PHO) ang Manifesto of Support sa adbokasiyang ito ng DOH at ikinabit ang Provincial Logo sa LLIN bago nagkaroon ng pirmahan ng Commitment of Support.

Ipinaliwanag ni Bicol Regional Coordinator Camilo Aquino ang kahalagahan ng paggamit ng nasabing kulambo sa proteksyon ng pamilya sapagkat mas madaling napapatay ng gamot na inilagay sa kulambo ang mga lamok na maaaring magdala ng malaria at iba pang mga sakit sa tao.

Matatandaang una nang inilunsad ang “Byaheng Kulambo” Campaign sa isinagawang Malaria Summit sa region 2 noong Abril 25, 2012 kung saan ibabyahe ang kulambo o LLIN sa iba’t-ibang bahagi ng bansa mula sa mga lugar na may matataas na kaso ng malaria patungo sa mga probinsyang deklaradong malaria-free bilang bahagi na rin ng Malaria Awareness Month na magtatapos sa huling linggo ng Nobyembre ngayong taon.

Taong 2007 ng ideklara ng DOH Bicol ang lalawigan ng Sorsogon kasama ng Albay bilang malaria at filariasis-free, subalit nananatiling binabantayan ang 51 mga barangay sa bayan ng Donsol dahilan sa mataas na posibilidad ng pagkakaroon ng kaso ng malaria dito dahilan na rin sa uri ng topograpiya nito.

Samantala, hiningi naman ni De leon ang suporta hindi lamang ng pamahalaang lokal ng Sorsoogn kundi maging ng media partikular sa pagpapalaganap ng mga impormasyong pupukaw sa kamalayan ng publiko ukol sa dalang panganib ng malaria at kung papaanong maiwasan ang panunumbalik nito sa alinman sa mga lugar sa Sorsogon.

Aniya, deklarado mang ligtas ang lalawigan sa sakit na malaria subalit hindi dapat na makampante ang sinuman sapagkat sa tuwina’y nakaamba pa rin ang panganib na muling magkaroon ng kaso ng malaria sa Sorsogon lalo pa’t ang pinakahuling naitalang kaso sa Donsol ay ‘imported case’ o malaryang nakuha mula sa labas ng Sorsogon. (BArecebido, PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment