Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Setyembre 7 (PIA) – Nakarating
na sa Sorsogon ang grupo ng Department of Health (DOH) na siyang nangunguna sa kampanyang
“Byaheng Kulambo” sa ilalim ng temang “Saving
Lives, Preventing Deaths and Sustaining Investments for Malaria”.
Sa isinagawang paglulunsad kahapon sa ST
Lopez Hall sa Dr. Fernando B. Duran, Sr. Memorial Hospital, nagkaroon ng
ceremonial turn-over sa pagitan ng DOH at ng pamahalaang lalawigan ng Sorsogon
ng simbolikong kulambo o ang Long Lasting
Insecticide Treated Net (LLIN).
Matapos ito ay inihayag ng pamahalaang
probinsyal sa pamamagitan ng Provincial Health Office (PHO) ang Manifesto of Support sa adbokasiyang ito
ng DOH at ikinabit ang Provincial Logo sa LLIN bago nagkaroon ng pirmahan ng Commitment of Support.
Ipinaliwanag ni Bicol Regional Coordinator
Camilo Aquino ang kahalagahan ng paggamit ng nasabing kulambo sa proteksyon ng
pamilya sapagkat mas madaling napapatay ng gamot na inilagay sa kulambo ang mga
lamok na maaaring magdala ng malaria at iba pang mga sakit sa tao.
Matatandaang una nang inilunsad ang
“Byaheng Kulambo” Campaign sa isinagawang Malaria Summit sa region 2 noong Abril
25, 2012 kung saan ibabyahe ang kulambo o LLIN sa iba’t-ibang bahagi ng bansa
mula sa mga lugar na may matataas na kaso ng malaria patungo sa mga probinsyang
deklaradong malaria-free bilang bahagi na rin ng Malaria Awareness Month na
magtatapos sa huling linggo ng Nobyembre ngayong taon.
Taong 2007 ng ideklara ng DOH Bicol ang lalawigan
ng Sorsogon kasama ng Albay bilang malaria at filariasis-free, subalit
nananatiling binabantayan ang 51 mga barangay sa bayan ng Donsol dahilan sa
mataas na posibilidad ng pagkakaroon ng kaso ng malaria dito dahilan na rin sa
uri ng topograpiya nito.
Samantala, hiningi naman ni De leon ang
suporta hindi lamang ng pamahalaang lokal ng Sorsoogn kundi maging ng media
partikular sa pagpapalaganap ng mga impormasyong pupukaw sa kamalayan ng
publiko ukol sa dalang panganib ng malaria at kung papaanong maiwasan ang
panunumbalik nito sa alinman sa mga lugar sa Sorsogon.
Aniya, deklarado mang ligtas ang lalawigan
sa sakit na malaria subalit hindi dapat na makampante ang sinuman sapagkat sa
tuwina’y nakaamba pa rin ang panganib na muling magkaroon ng kaso ng malaria sa
Sorsogon lalo pa’t ang pinakahuling naitalang kaso sa Donsol ay ‘imported case’ o malaryang nakuha mula
sa labas ng Sorsogon. (BArecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment