Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Setyembre 4 (PIA) –
Matapos ang isinagawang aktibidad ng pagbubukas ng ika-112 taong anibersaryo ng
Philippine Civil Service kanina, ilang mga aktibidad pa ang nakatakdang gawin
dito sa lalawigan sa pangunguna ng Civil Service Commission (CSC) Sorsogon
Field Office.
Ayon kay CSC Sorsogon Field Office Director
Arpon U. Lucero, nakatakdang magkaroon ng Gender Sensitivity Seminar ang ilang
mga piling kawani ng pamahalaan sa Setyembre 10 sa pakikipag-ugnayan nila sa
Sangguniang Panlalawigan at sa Sorsogon Provincial Gender Advocacy and
Development Council.
Nakatakda ring maglibot ang mga kasapi ng
CSC-Multi-Sectoral Advisory Council (MSAC) mula Setyembre 3 hanggang Setyembre
26 sa iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan dito kaugnay ng gagawing Anti-Red
Tape (ARTA) Full Compliance Contest.
Magkakaroon din ng Orientation on Human
Resource (HR) Plan at Strategic Performance Management System (SPMS) na
gaganapin sa LGU-Pilar sa pangunguna din ng CSC sa darating na ika-19 hanggang
ika-20 ng Setyembre.
Ayon kay Dir. Lucero mahalaga umanong
magtutunan ng bawat sangay ng pamahalaan ang paggawa ng HR Plan sapagkat
matutugunan nito ang suliranin sa hindi pagtutugma ng kakayanan ng mga kawani
at pangangailangan ng isang ahensya.
Ika-21 naman ng Setyembre gaganapin ang
pagpapaganda pa ng landscape ng CSC Provincial office ground.
Iaanunsyo naman ang mga nagwagi sa ARTA
Contest sa pagtatapos ng pagdiriwang ng Philippine Civil Service Month sa
Setyembre 28. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment