Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Setyembre 4 (PIA) –
Upang paigtingin pa ang kampanya sa pagkontrol sa mga bata at mag-aaral na
pumasok sa mga commercial video game, computer game, fun house at iba pang mga
kahalintulad na establisimyento lalo sa oras ng klase, binuo ng Lokal na
Pamahalaan ng Lungsod sa pakikipagkawing sa Brotherhood of Christian
Businessmen and Professionals (BCBP) kamakailan ang Sorsogon City Task Force
E-Games Monitoring Task Force.
Sa isinagawang Task Force E-Games
Monitoring Team Assembly noong Biyernes, sinabi ni BCBP Social Action Ministry
Head Bro. Mitch B. Sulit na mahalaga ang edukasyon lalo pa’t ito ang
pinakamabisang pamana na maaaring maibigay ng magulang sa kanilang mga anak
kung kaya’t dapat na linisin ang anumang magiging sagabal dito.
Iprinisinta at ipinaliwanag naman ni
Sangguniang Panlungsod Committee on Education Chair City Councilor Charo
Dichoso ang City Ordinance No. 009 series of 2005 o ang ordinansang
magkokontrol sa mga bata at mag-aaral na pumasok sa mga commercial video game,
computer game, fun house at iba pang mga establisimyentong kahaintulad nito sa
lungsod ng Sorsogon.
Aniya, sakop nito ang mga mag-aaral sa
elementarya at sekundarya na pumapasok sa mga establisimyentong ito sa oras ng
klase mula alas syete ng umaga hanggang alas dose ng tanghali at mula ala-una
at hanggang alas singko ng hapon.
Subalit, sinabi din niya na bukas pa rin
ang nasabing odinansa sa anumang mga pagbabago o rebisyon upang higit pang
mapaganda ito at maging epektibo ang pagpapatupad nito. Dapat lamang aniya na
maipaabot ang mga obserbasyon at rekomendasyon sa Sangguniang Panlungsod.
Iprinisinta naman ni BCBP provincial
chapter head Bro. Bobby Hababag ang programa ng implementasyon ng nasabing
ordinansa at nilinaw nya na ang tanging responsibilidad ng Task Force E-Games
ay limitado sa pagsubaybay at pagrereport
sa kinauukulan ng mga nadidiskubre nilang lumalabag sa naturang
ordinansa. Hindi umano sakop ng kanilang responsibilidad ang paghuli at
pagbibigay disiplina sa mga lumalabag dito.
Matapos ang pagbubuo ng Task Force ay
sinimulan na rin noong Setyembre 27 hanggang ika-2 ng Setyembre ngayong taon
ang kanilang information dissemination campaign.
Nakatakda namang magkaroon ng dry-run o
trial monitoring simula ika-3 hanggang ika-9 ng Setyembre, 2012 habang sa
ika-10 ng Setyembre, 2012 naman nakatakdang simulan ang regular monitoring ng
binuong Task Force. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment