Tuesday, September 4, 2012

Sorsogon Ciy Task Force E-Games Monitoring Assembly binuo


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Setyembre 4 (PIA) – Upang paigtingin pa ang kampanya sa pagkontrol sa mga bata at mag-aaral na pumasok sa mga commercial video game, computer game, fun house at iba pang mga kahalintulad na establisimyento lalo sa oras ng klase, binuo ng Lokal na Pamahalaan ng Lungsod sa pakikipagkawing sa Brotherhood of Christian Businessmen and Professionals (BCBP) kamakailan ang Sorsogon City Task Force E-Games Monitoring Task Force.

Sa isinagawang Task Force E-Games Monitoring Team Assembly noong Biyernes, sinabi ni BCBP Social Action Ministry Head Bro. Mitch B. Sulit na mahalaga ang edukasyon lalo pa’t ito ang pinakamabisang pamana na maaaring maibigay ng magulang sa kanilang mga anak kung kaya’t dapat na linisin ang anumang magiging sagabal dito.

Iprinisinta at ipinaliwanag naman ni Sangguniang Panlungsod Committee on Education Chair City Councilor Charo Dichoso ang City Ordinance No. 009 series of 2005 o ang ordinansang magkokontrol sa mga bata at mag-aaral na pumasok sa mga commercial video game, computer game, fun house at iba pang mga establisimyentong kahaintulad nito sa lungsod ng Sorsogon.

Aniya, sakop nito ang mga mag-aaral sa elementarya at sekundarya na pumapasok sa mga establisimyentong ito sa oras ng klase mula alas syete ng umaga hanggang alas dose ng tanghali at mula ala-una at hanggang alas singko ng hapon.

Subalit, sinabi din niya na bukas pa rin ang nasabing odinansa sa anumang mga pagbabago o rebisyon upang higit pang mapaganda ito at maging epektibo ang pagpapatupad nito. Dapat lamang aniya na maipaabot ang mga obserbasyon at rekomendasyon sa Sangguniang Panlungsod.

Iprinisinta naman ni BCBP provincial chapter head Bro. Bobby Hababag ang programa ng implementasyon ng nasabing ordinansa at nilinaw nya na ang tanging responsibilidad ng Task Force E-Games ay limitado sa pagsubaybay at pagrereport  sa kinauukulan ng mga nadidiskubre nilang lumalabag sa naturang ordinansa. Hindi umano sakop ng kanilang responsibilidad ang paghuli at pagbibigay disiplina sa mga lumalabag dito.

Matapos ang pagbubuo ng Task Force ay sinimulan na rin noong Setyembre 27 hanggang ika-2 ng Setyembre ngayong taon ang kanilang information dissemination campaign.

Nakatakda namang magkaroon ng dry-run o trial monitoring simula ika-3 hanggang ika-9 ng Setyembre, 2012 habang sa ika-10 ng Setyembre, 2012 naman nakatakdang simulan ang regular monitoring ng binuong Task Force. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment